PANINIGAW, MAY MASAMANG EPEKTO?

Ni Ann Esternon

 

Nasigawan ka na ba na iyong ikanagulat? Masakit ito lalo’t ang rason sa pagsigaw ay sadyang negatibo at tumatatak sa taong sinigawan.

Ayon sa psychology may epekto ang pagsigaw sa mga bata man o sa matatanda. Ang epekto nito ay hindi dapat magpatuloy at dapat magawan ng aksyon upang hindi makasira sa damdamin, pag-iisip, at katawan ng sinoman.

Sinasabing kapag sexually abused ang isang tao, agad na makikita rito ang ebidensya ngunit walang ebidensya kung ikaw ay nakakaranas ng verbal abuse. Kapag ikinuwento mo sa iba na ikaw ay

verbally abused ang iisipin lang nila ay nagrereklamo ka lang na ikaw ay nasisigawan – walang nakakakita ng sakit o pilat na iyong natamo.

Ang pagsasalita at pagsigaw nang hindi maganda sa tao ay maaaring magdulot ng depression, pagkabalisa at maging ang malalim na insecurity o pagkainggit.

PAGSIGAW SA MGA BATA

Sa mga bata, may long term effect ang pagsigaw sa kanila lalo’t sadyang musmos pa.

Hindi naman nawawala ang pagkainis, pagka-frustrate ng magulang sa kanilang anak na mga bata pa dahil hindi naman mawawala sa mga bata na umakto silang hindi tama. Isang kaso ito na nangyayari sa maraming mga pamilya.

Sa mga bata, mas nakaka-trauma sa kanila na masigawan at makarinig ng hindi magandang mga salita. Uukit sa kanila ang lakas at tono ng boses ng sumigaw, ang itsura ng mga mata mula sa sumisigaw, ang pangit na facial expression, at ang pang-iinsulto.

Sa pagsigaw sa tao, tumataas ang aktibidad ng kanyang amygdala o emotional brain, stress hormones sa daluyan ng dugo, muscular tension at iba pa.

Kapag tayo ay nasisigawan, apektado ang galaw ng ating isipan at nararamdaman sa kung ano tayo kahit pa tayo ay lumayo sa lugar at taong nanigaw sa atin. Ito ay dahil wired ang ating utak sa

mga karanasan. Dito madidinig pa rin nating kung paano tayo sinigawan ng tao at dinig na dinig pa ang boses ng sumigaw kahit wala naman sila o hindi sila kasama.

Sa pag-aaral, gumagawa nang tama ang isang bata kapag sila ay ligtas, minamahal, at nakatatanggap ng respeto.

Kapag kalmado ang bata maayos itong kumilos. Kapag mas kalmado at maayos ang nag-aalaga sa bata o sa taong nagbabantay sa kanila ay mas nararamdaman ng bata na ligtas sila at hindi

masasaktan – kaya ang takbo ng kanilang isipan at katawan ay malusog din.

Marami ang nag-iisip na ang paninigaw sa bata ay magandang solusyon bilang pagsaway sa kanya at mapapabuti nito ang kanyang sarili sa hinaharap. Ngunit mas malala ang epekto nito sa bata

kalaunan. Kapag naging malala ang ugali ng bata, sisigaw pa rin ang nag-aalaga sa kanya at ang cycle ay paulit-ulit lamang pero ang kawawa ay ang nasisigawan. Walang nangyayaring disiplina sa ganitong paraan kahit pa ang gumawa nito ay ang nanay o ang tatay – masama pa rin ang epekto ng paninigaw.

Kung magpapatuloy ang sigaw sa bata, made-develop lamang ang sakit sa kanya sa kanyang pagtanda. Maaaring magresulta ito sa pagkakaroon ng arthritis, pananakit ng ulo at leeg, at iba pang chronic pain.
PAGSIGAW SA MATATANDA

Iba rin ang epekto sa matatanda o adult kapag sila ay nasisigawan.

Natural mode of self-defense ang pagtaas ng boses, pero madalas nagagamit ito sa maling paraan.

Sinasabi ring dapat ay nakakasigaw ang tao kapag siya ay nasasaktan o nagagalit dahil makakabuti ito sa kanya dahil nailalabas niya ang kanyang saloobin. Muli, ang bagay na ito ay naaabuso at madalas na nagagamit lang na dahilan para makasigaw. Kung tutuusin maaaring nating isipin na pwede namang magalit pero kailangan bang magpakita ng sobrang galit?

Habang may nangyayaring sigawan at nahahaluan pa ito ng panunumpa o murahan ay lalo lamang hindi nakikita o nakukuha ang punto ng bawat isa. Ang pagsasama ay nagiging malabo dahil nalulusaw ang respeto at nababawasan ang pagmamahal sa bawat isa.

Iba rin ang epekto kung palaging isang tao lang ang nakasigaw sa tuwing may normal na pag-uusap, diskusyon o argumento. Ang pakiramdam ng nasisigawan ay siya nababastos, na ang kasama niya ay bully, bossy, dominante at palaging tama. Sa isyung ito ay may pagkokontrol sa sinisigawan at pangmamaliit kaya ang nasisigawan ay nagiging manhid na rin sa pagmamahal kalaunan.

Kawawa ang taong laging nakakatanggap ng verbal abuse dahil ang pakiramdam niya ay wala siyang halaga at walang karapatan. Nanliliit din siya sa kanyang sarili at kalaunan ay nawawalan din ng pagmamahal sa kanyang sarili.

Kung may problema ay hindi dapat kailangang sumigaw. Kung may gustong baguhin sa asawa o karelasyon dapat masimulan ito sa sarili at daanin sa matinong usapan para maisalba ang relasyon.

Ang pagsigaw ay hindi dapat magpatuloy, maging abuso at hindi kailaman dapat na hayaan o tanggapin na lamang lalo na kung sinisigawan in public.

Hindi kailangang maging depensa na “hindi ko makontrol ang galit” dahil ang totoo karamihan naman sa atin ay kaya nating ikontrol ang ating mga galit pero mas nagpapadala tayo rito at hahayang mangyari na lang ang masamang bagay para magpatuloy sa ganito.

Kung hindi makontrol ng isang partner ang kanyang temper o galit, mas tamang umalis na lang ang kapartner nito upang siya ay maging ligtas mula sa ibubunga ng pagsigaw sa kanya nang wala na sa lugar.

Kapag hinahayaan na lang na may pagsigaw, mauuwi lamang ito mula sa verbal abuse hanggang physical abuse. Kung hahayaan lang ito, ibig sabihin ay tanggap mo na ikaw ay nasisigawan at okay lamang ito sa iyo kaya ang partner ay sige lamang sa kanyang maling gawain.

Mas masama rin ang epekto nito kapag may mga batang nakakakita sa ganitong insidente o sistema sa loob ng bahay.

Sa ganitong palaging may sigawan at walang progress mula sa bawat argumento ay dapat nang maghiwalay ang mag-asawa o magpartner dahil nasisira lamang ang relasyon at lalong nasisira ang pagkatao ng taong sinisigawan.

491

Related posts

Leave a Comment