BIENNALE PARA SA MGA BATA, ILULUNSAD NA

Sa paniniwalang ang sining edukasyon at pagkilala rito ay dapat magsimula sa murang edad, ang Cultural Center of the Philippines ay maglulunsad ng isang month-long online creative expression biennale para sa mga bata sa susunod na buwan.

Tinawag itong “Arts eXpress: CCP Children’s Biennale,” na series of events at may layuning himukin at pagandahin ang pagiging malikhain at masining ng mga bata. Gayundin ay magkaroon sila ng artistic expression, makabuo ng mga bagong obra o aktibidad upang makapokus sa kanilang pagkilala at pagpapahalaga sa sining at maisama ang kanilang mga magulang o guardians para sa pagbibigay pa ng atensyon sa sining.

Magsisimula ang biennale sa Oktubre 31, ganap na alas-4:00 ng hapon sa CCP Facebook Page, na may isang short program sa pangunguna ni CCP chairperson Margie Moran-Floirendo, VP-artistic director Chris Millado at board member Nikki Junia.

Ito ay susundan ng pre-opening events, na magsisimual sa Tricks and Musical Treats: A PPO Family Concert sa ganap na alas-4:20 ng hapon. Pinamagatan itong “A Virtual Adventure in Camp Melodia,” isang taunang orchestra appreciation concert para sa mga bata at pamilya na nasa online platform ngayon. Idinirehe ni Liesl Batucan, ang concert ay magtatampok sa mga miyembro ng Philippine Philharmonic Orchestra.

Sa ganap na ala-5:45 ng hapon, ang “MALA: Ibong Adarna” ay lilipad upang gawing buhay ang istorya ng isang mahiwagang ibon sa pamamagitan ng puppetry. Idinirehe ni Xian Lim, ang palabas na ito ay bahagi rin ng outreach project ni CCP president Arsenio Lizaso, sa ilalim ng programang Sining Sigla.

Ilulunsad din ng CCP ang CCP Batang Sining Facebook page bilang isang platform para sa creative expression at collaboration opportunities ng nilalaman ng mga sining para sa mga bata, mga magulang o guardians at mga guro. Orihinal na konsepto ng yumaong Rene Villanueva at Hermie Beltran, ang Batang Sining ay nagsimula bilang workshop noong 1989 na nakapokus sa mga bata para ipakilala sila sa iba’t ibang uri ng sining at madiskubre ang kanilang mga sarili sa paglahad ng kanilang creative expressions.

Para sa buong buwan ng Nobyembre, maaaring sumali ang mga bata sa iba’t ibang stations of activities – CURTAINS UP!, ARTS eXPRESS, ARTs PLAYGROUND, PELIKULIT, at ARTS CONNECT.

Sa CURTAINS UP!, ang mga bata ay iti-treat sa bago at re-purposed ICYMI (in-case-you-missed-it) performances sa theater, dance at music tuwing Linggo sa ganap na alas-4:00 ng hapon.

Sa Nobyembre 1, magtatambal ang Tanghalang Pilipino at Anino Shadow Play para sa isang series ng pagtatanghal base sa mga librong pambata na tinawag na Pamanang Pahina. Pagtatanghal: “Mga Giyera sa Katawan ni Mark,” sinulat ni Dr. Luis P. Gatmaitan, iginuhit ni Ariel Santillan; “Ang Bagong Kaibigan ni Bing Butiki” sinulat ni Yna Reyes, iginuhit ni Jason Moss; at “May Mga Lihim Kami ni Ingkong,” sinulat ni Dr. Luis P. Gatmaitan, iginuhit ni Beth Parrocha-Doctolero.

Ang ARTS eXPRESS ay tungkol sa arts workshops para sa mga batang may edad walo hanggang 12 taong gulang. Ang Anino Shadow Collective ay magtuturo ng shadow play sa Nobyembre 6, ganap na ala-10:00 ng umaga.  Matututo ang mga bata ng basics ng paggamit ng rondalla playing (banduria) sa Nobyembre 13 (open session) ganap na ala-10:00 ng umaga; susundan ito ng mga pagtuturo sa pamamagitan ng Zoom sa Nobyembre 14, 21, 28, at Disyembre 5, ganap na ala-10:00 ng umaga.

Ang iba pang SPECIAL EVENTS ng programa ay: paglulunsad ng isang libro at workshops ni “Cely’s Crocodile (Life and art of Araceli Dans Lee)” sa Nobyembre 21, ganap na alas-3:00 ng hapon, at paglulunsad ng e-book at storytelling ng “Sa Pagbabasa Hindi Ka Nag-iisa” sa Nobyembre 27, ganap na alas-4:00 ng hapon.

Ang lahat ng events ay para sa mga batang may edad anim hanggang 12 taong gulang, ngunit may mga aktibidad na para sa infants, toddlers at mga magulang.

Ang CCP Children’s Biennale ay magtatapos sa Nobyembre 29 sa isang closing program.

Para sa detalye, magsadya sa CCP website (www.culturalcenter.gov.ph). Sundan ang CCP and Art Education sa Facebook Pages at iba pang social media accounts.

94

Related posts

Leave a Comment