CREMATION, PAANO ANG PROSESO?

Ni Ann Esternon

Sa pagpanaw ng mga mahal natin sa buhay, may mga paraan upang sila ay mailibing nang maayos at may pumipili rin na idaan ito sa cremation o pagsunog ng mga labi.

ANO ANG ALAM NINYO SA CREMATION?

Ang cremation ay isang mechanical, thermal, o iba pang dissolution process upang mabawasan ang mga labi at maging bone fragments. Kasama rin sa cremation process ang pagdurog ng mga buto at maging pira-piraso ito na karaniwang may sukat na hindi lalampas sa 1/8 pulgada.

Nagsimula ang cremation o pagsusunog sa bangkay noon pang unang panahon, ngunit sinasabing nahinto sa pagpasok o pagpapakilala ng Kristiyanismo (A.D. 1050) sa mundo.

Ang pagsusunog ng mga labi ay pinaniniwalaang paraan ng mga naiwang mahal sa buhay upang ang kaluluwa ng pumanaw ay maitawid sa kabilang mundo at makapagsimula nang buhay doon.

Ang modernong cremation ay nagsimula noong huling bahagi ng 1800 kasabay ng imbesyon ng isang practical cremation chamber. Ito ay ipinakilala ni Professor Brunetti sa 1873 Vienna Exposition sa Vienna, Austria. Naipakilala ito dahil na rin sa dumaraming malasakit ng publiko hinggil sa hygiene, kalusugan at clerical upang mareporma ang tradisyon ng libing. Ang mga paraan din nito ay unti-unting nakilala sa iba’t ibang bansa.

MGA KAILANGANG BAGO ANG CREMATION

Kung ang paraan ng pagsusunog ng mga labi noong unang panahon ay ang pagpupuwesto ng bangkay sa ibabaw ng mga nagbabaga at nag-aapoy na mga kahoy habang nasa open air, ang modernong paraan naman ay nakatago, nakakulong sa isang chamber.

Sa modernong paraan, ang crematories ay gumagamit ng industrial furnaces para lamang sa cremation.

Ang pagsunog sa mga labi ay may panuntunan ding sinusunod bago ang proseso nito:

– Kailangang kilala ang bangkay – dapat may tamang pagkakakilanlan ang mga labi na manggagaling sa kamag-anak nito at may tamang dokumento ito para maisagawa ang cremation (depende sa regulasyon ng isang estado): kung sino ang kukuha sa mga labi; kung saang crematorium ito gagawin; at kung anong uri ng urn ang paglalagyan ng abo.

– Safe ang operator – kailangang awtorisado ang gagawa ng cremation at ito ay nasa maayos na kondisyon.

– May paggalang at pag-iingat – kailangang may paggalang at pag-iingat sa bangkay habang ito ay nasa isang crematory.

Ang mahal sa buhay ng namayapa ay may choice na makita ang proseso ng cremation ngunit karaniwang limitado ito sa dami ng pupunta sa crematorium.

PARAAN NG PAGSUSUNOG NG MGA LABI

1. Kapag na-identify na ang mga labi at may papeles na para gawin ang pagsusunog nito, ang katawan ay inihahanda na. Karaniwang nililinisan o pinaliliguan ang mga labi saka bibihisan. Walang pag-eembalsamong magaganap maliban na lamang kung magkakaroon ng public viewing o ito ay may request mula sa pamilya ng yumao.

2. Ang anomang metal o medical devices (implants) na nasa katawan ay kailangang matanggal tulad ng braces sa ngipin at iba pang bagay lalo na kung ito ay may battery. Kasama sa dapat tanggalin ay ang mga relo o alahas at dapat itong ibigay sa kaanak ng bangkay. Ang mga ito ay maaaring sumabog habang isinasagawa ang cremation at makapinsala sa operator at sa equipment ng crematorium.

3. Sunod nito, ang mga labi ay ilalagay na sa lagayan o combustible material. Karaniwang special casket ang ginagamit o kaya’y simpleng cardboard box na kaya ang bigat ng mga labi at dapat ito ay leak resistant. Mayroon ding rental casket upang hind imaging magastos para sa kamag-anak ng bangkay.

4. Sunod ay ilalagay ito sa cremation chamber o retort na kasya lamang ang isang katawan. May fire-resistant bricks na nasa loob ng chamber na kaya ang init na 2000 degrees.

Ang isang pangkaraniwang uri ng cremation ay flamed-based. Ang modernong cremation heaters ay sumusunod sa mahigpit na ordinansa ng isang estado kaugnay ng environmental at air quality standards – natural gas, propane, o diesel fuel para sa proseso ng cremation. Ang mga ito rin ay automated o computerized.

Ang isa pang uri ng cremation ay alkaline hydrolysis. Gumagamit ito ng water-based dissolution process upang mabawasan ang mga labi at maging bone fragments. Ito ay may alkaline chemicals, init, agitation at pressure para ma-accelerate ang natural decomposition.

Ang init ng temperatura para sa pagsusunog ng mga labi ay sa pagitan ng 1400 at 1600 degrees Fahrenheit.

Ang pagsusunog sa mga labi ay nagsisimula sa 30 minuto hanggang dalawa o hanggang tatlong oras – depende sa laki o bigat ng katawan at init ng temperaturang gagamitin. Kapag sanggol ang iki-cremate, wala pang isang oras ay tapos na ang cremation.

Lilinisan o gagamitan ng vacuum para makuha lahat ng “abong” nasa chamber.

Sa pagkakaintindi at nalalaman ng marami, abo ang tawag sa cremated na mga labi ngunit ang totoo ay mayroon itong bone fragments.

Ang mga labing nasunog ay may kulay puti at gray. Kung may metal devices na napasama rito ay ginagamitan ng pangkuha na may magnet at ihihiwalay sa cremated na mga labi.

Ang karaniwang timbang ng cremated na mga labi ay mula apat at anim na libra (1.8 kilo hanggang 2.7 kilo).

5. Ang cremated na mga labi ay ilalagay na sa urn at ito ay iaabot na sa kamag-anak ng yumao.

Ang urn ay maaaring sa uri ng marmol, bakal, kawayan, stuffed toy, kahoy at iba pa.

196

Related posts

Leave a Comment