1 PANG MPD COP DINUKOT

HINDI pa man nareresolba ang unang dinukot na miyembro ng Manila Police District-Meisic Police Station 11, isa na namang patrolman ang sapilitang tinangay ng armadong kalalakihan sa Sta. Mesa, Manila nitong Miyerkoles ng umaga.

Base sa natanggap na report ni District Director, P/Brigadier General Leo Francisco, si Patrolman Real Lopez Tesoro, 41, residente ng #3374 Alley St., Barangay 601, Sta. Mesa, Manila, ay dinukot ng armadong kalalakihan bandang alas-10:05 ng umaga sa V. Mapa Extension sa Sta. Mesa.

Nabatid sa ulat ng pulisya, si Tesoro ay dating nakatalaga sa MPD Jose Abad Santos Police Station 7 (PS-7) at sa Regional Personnel Holding and Accounting Section (RPHAS) ng National Capital Regional Police Office (NCRPO).

Nabatid sa report ng pulisya, ang kinakasama ng biktima na si Mary Ann Gervacio, 31, ang siyang nag-report ng insidente sa mga awtoridad.

Ayon sa ginang, limang suspek na kinabibilangan ng apat na lalaki at isang babae, ang dumukot sa biktima.

Bigla na lamang umanong isinakay ng mga suspek ang biktima sa isang itim na sports utility vehicle (SUV) na hindi naplakahan at saka humarurot na palayo.

Samantala, sinabi ni General Francisco, hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin silang update hinggil sa insidente ng naunang pagdukot kay P/Cpl. Allan Hilario ng Meisic Police Station 11 (PS-11), kamakailan sa Binondo, Manila. (RENE CRISOSTOMO)

 

71

Related posts

Leave a Comment