1 pang murder suspect nabitag 3 PULIS MAYNILA INARESTO SA PAGPATAY SA KOREANO

0

ARESTADO ang tatlong kasapi ng Manila Police District (MPD) kaugnay sa umano’y pagpatay sa isang Koreano sa Valenzuela City.

Ayon kay MPD P/Brigadier General Leo Francisco, ang tatlong pulis na kinilalang sina P/Cpl. Darwin Castillo, P/SSgt. Carl Legazpi at P/Cpl. Samruss Inoc, mga miyembro ng Roxas Blvd. PCP ng Malate Police Station 9, ay isinangkot sa umano’y pagpatay sa isang Koreano noong Pebrero 15 sa Maysan, Valenzuela City.

Ang nasabing tatlong pulis ay inaresto ng kanilang mga kabaro sa ikinasang hot pursuit operation dakong alas-3:00 ng hapon, anim na araw makaraan ang insidente.

Nabatid sa imbestigasyon, napag-alaman na may kinalaman sa pera ang motibo sa pagpaslang sa biktimang Korean na si Sunuk Nam, 55-anyos.

Nabatid pa kay General Francisco, matapos makipag-koordinasyon sa MPD ang tracker team ng Valenzuela City Police, na pinangunahan ni P/Major Ferdinand Mendoza, ay agad inaresto ang mga suspek.

Napag-alaman, si Inoc ay dinakip sa Roxas Boulevard PCP, habang si Castillo naman ay binitbit mula sa Quarantine Control Point (QCP) sa Baywalk, Roxas Boulevard.

Naka-duty naman si Legazpi bilang security team member na idineploy sa Mendiola St., San Miguel, Manila, nang ito’y arestuhin.

Ang mga suspek ay dinala sa Valenzuela CPS sa McArthur Highway sa Karuhatan, Valenzuela City.

Magugunitang ang biktimang si Nam ay natagpuang patay sa harap ng St. Angelus Cemetery sa Purok 4, Area 6, G. Marcelo St., Maysan, Valenzuela City bandang alas-7:00 ng umaga noong Pebrero 15.

Ayon sa rekord ng Valenzuela City Police, unang naaresto ang walong kalalakihan at nang isailalim sa masusing imbestigasyon, ininguso nila ang tatlong pulis-Maynila.

Kung mapatutunayang positibo ang tatlo sa krimen, bukod sa murder ay mahaharap din ang mga ito sa kasong administratibo.

Samantala, inginuso ng isang impormante kaya nasakote ang isang 32-anyos na wanted sa kasong pagpatay, sa bisa ng arrest warrant, sa Baseco Compound, Port Area, Manila noong Lunes ng hapon.

Kinilala ang suspek na si Ronel Caparas y Abando, may live-in partner, tambay, ng Block 15-B, Baseco Compound, Port Area.

Base sa ulat ni P/Lt. Roberto Medrano Jr., team leader, na isinumite kay P/Lt. Col. Robert Domingo, station commander ng Manila Police District-Baseco Police Station 13, bandang alas-12:45 ng tanghali nang arestuhin si Caparas sa kanyang bahay, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Anna Marie Mas, presiding judge sa Regional Trial Court Branch 52, na may petsang Oktubre 12, 2020, dahil sa kasong murder.

Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa nasabing suspek. (RENE CRISOSTOMO)

Related posts

Leave a Comment