1 PATAY, 17 SUGATAN SA ROAD TRAGEDY

ISA ang patay habang 17 ang sugatan sa nangyaring magkahiwalay na sakuna sa kalsada sa mga lungsod ng Makati at Parañaque.

Sa Makati City, patay ang isa habang pito ang sugatan makaraang araruhin ng pampasaherong jeep ang isang grupo ng mga estudyante sa JP Rizal St., Brgy. Poblacion sa lungsod na ito.

Hindi umabot nang buhay sa Ospital ng Makati (OSMAK) ang isa sa mga biktima na kinilalang si Jules Villapando, Grade 8 student, habang sugatan sina Dexter Aquino, 13; Phoebe Marie Pestano, 15; Andrei Dela Cruz, 15; Serjen Arucan, 14; Alvin Regalario, 14; Donita de Chavez, 13, at si Oscar Wendell Ponce, 17-anyos.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na si Crisalde Jaictidan Tamparo, 31, driver ng jeep, at tubong Bag-Ong Ariosa, Molave, Zamboanga.

Base sa inisyal na ulat ng Makati City Traffic Bureau kay Makati chief of police, P/Col. Rogelio Simon Jr., nangyari ang insidente dakong alas-7:25 ng gabi noong Miyerkoles habang naglalakad ang mga biktima sa gilid ng kalsada.

Samantala, sa sa Parañaque City, sa ospital magpapalipas ng Valentine’s Day ang sampu katao makaraang masugatan nang araruhin sila ng isang SUV  Fortuner sa bahagi ng Baclaran Church sa lungsod na ito, nitong Miyerkoles ng gabi.

Ayon kay Police Major Jolly Santos, commander ng Parañaque Police Community Precinct 11, biglang umandar nang mabilis ang Toyota Fortuner na itim kaya nasagasaan ang mga naglalakad sa kalye.

Apat na motorsiklo, isang e-bike at tatlong cart ng mga vendor ang inararo ng Fortuner sa mabilis nitong andar.

Dinala ang mga nasugatan, na kinabibilangan ng anim na babae at apat na lalaki, sa San Juan De Dios Hospital sa Pasay City. Tatlo sa mga biktima ang malubha ang kalagayan.

Dinala sa presinto ang driver ng SUV na  kinilalang si Allan Respecia, na nagsabing biglang nag-accelerate ang kanyang sasakyan. (DAVE MEDINA/ROSE PULGAR)

 

101

Related posts

Leave a Comment