165 NAGPOSITIBO SA RAPID TEST SA 31 BRGY. SA MAYNILA

UMABOT sa 165 indibidwal ang nagpositibo sa COVID-19 sa isinagawang rapid test sa kabuuang 8,018 katao ng Manila Health Department (MHD) mula sa 31 barangay na isinailalim sa lockdown sa lungsod ng Maynila.

Ayon sa MHD, sa District 1 ay umabot sa 62 ang nagpositibo mula sa 3,719 na isinailalim sa rapid test; District 2, anim ang nagpositibo; sa District 3, 62; District 5, 28, at District 6, pito ang nagpositibo.

Gayunman, isasailalim sa swab test ang mga nagpositibo upang makumpirma kung talagang mayroon silang COVID-19 at saka sila ilalagay sa isolation facility.

Nabatid na ang lockdown ng 31 barangay ay natapos dakong 5:00 ng hapon.

Ayon kay Manila Police District director, P/Brigadier General Rolando Miranda, naging maayos ang ipinatupad na hard lockdown dahil sumusunod ang mga residente.

Una nang iniutos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno”Domagoso ang pagpasailalim ang lockdown sa 31 barangay sa Maynila upang bigyan-daan ang rapid test matapos na maiulat ang pagtaas ng COVID-19 cases sa lungsod. (RENE CRISOSTOMO)

Related posts

Leave a Comment