17 NETIZENS SINUBPOENA NG NBI SA FAKE NEWS

PINADALHAN ng subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 17 netizens dahil sa umano’y pagpapakalat ng pekeng impormasyon sa social media ukol sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay  NBI Cyber Crime Division chief Victor Lorenzo, inaasahang dadami pa ang kanilang padadalhan ng subpoena sa susunod na mga araw habang patuloy ang pagkalat ng fake news sa internet.

“So far, 17 pa lang naman ‘yung pinadahan namin pero ine-expect namin magpapadala pa kami,” ayon kay Lorenzo.

Maaaring masampahan ng kasong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code (Unlawful Use of Means of Publication) na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012, ang mga taong mapatutunayang sadyang nagpapakalat ng fake news para guluhin ang publiko o may sisiraang personalidad.

Maaari rin silang mapatawan ng parusa sa ilalim ng ‘Bayanihan to Heal as One Act’.

Una nang nanawagan si human rights lawyer Chel Diokno sa NBI na araling mabuti ang mga iniimbitahan upang hindi maabuso ang karapatan ng netizens na naglalabas lamang ng hinaing o kritisismo sa pamahalaan.

Isa rito ang kanyang kliyente na konstruktibong kritisismo lamang umano ang inilalabas

Ngunit nilinaw ni Lorenzo, inimbitahan nila ang kliyente ni Diokno dahil sa post niya hinggil sa isang opisyal ng pamahalaan na bumili umano ng P2 bilyong eroplano sa halip na tumutok sa pandemic.

Sinabi pa nito, maaaring maging ‘whistleblower’ ang kliyente ni Diokno kung totoo ang kanyang post. (RENE CRISOSTOMO)

Related posts

Leave a Comment