24 empleyado positibo sa COVID-19 NAVOTAS CITY HALL INI-LOCKDOWN

ISINAILALIM sa granular lockdown ang Navotas City Hall matapos na iulat ng City Epidemiology and Surveillance Unit na 24 kawani ng pamahalaang lungsod ang nagpositibo sa COVID-19.

Nakasaad sa Executive Order No. TMT-014 Series of 2021 na nilagdaan ni Mayor Toby Tiangco noong ika-23 ng Pebrero, damay ang Navotas City Hall Annex (kasama ang NavoServe) at Franchising Permits Processing Unit sa lockdown na nagsimula alas-8:01 ng gabi noong Pebrero 23 hanggang sa Linggo, Pebrero 28, alas-11:59 ng gabi.

“Ibig sabihin, wala po munang transaksyon sa ating city hall tulad ng application/renewal ng business permit at pagbabayad ng amilyar, pati na ang pagkuha ng plaka ng mga tricycle at PUJ,” ayon sa alkalde.

Ipinaliwanag naman ni Tiangco na may mga papasok pa ring kawani ngunit para lamang ayusin ang sweldo ng mga empleyado, gawin ang mga proseso para sa pagbili ng mga kailangan para sa COVID-19 response, at pagresponde sa anumang emergency.

“Sa mga may babayaran na ang deadline ay sa 28 Pebrero 2021, ‘wag po kayong mag-alala. Hihilingin po natin sa Sanggunian na magpasa ng ordinansa ng extension ng pagbabayad hanggang 5 Marso 2021 nang walang penalty at surcharge,” pagtiyak ng punong lungsod.

Nauna nang nag-anunsyo si Tiangco na may mga kawani ng pamahalaang lungsod na nagpositibo sa COVID-19 at agad silang ipina-isolate at pina-swab test ang kanilang close contacts.

Sumailalim rin sa swab test ang lahat ng mga empleyado ng city hall kahit hindi sila close contact. Nagsasagawa rin ang pamahalaang lungsod ng general cleaning at disinfection tuwing alas-3:00 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon.

Noong Pebrero 23 ay dalawa ang namatay sa Navotas dahil sa COVID-19, habang 43 ang nagpositibo kaya’t lumobo ang active COVID cases sa 202, samantalang lima lamang ang gumaling. (ALAIN AJERO)

 

73

Related posts

Leave a Comment