41 COVID-PATIENTS SA LAS PIÑAS, GUMALING NA

NAITALA ngayong araw, June 23, 2020, ang apatnapu’t isang (41) pasyente na gumaling sa coronavirus disease 2019, ang pinakamalaking bilang ng recovery cases sa lungsod ng Las Piñas.

Ibinahagi ni Mayor Imelda “Mel” Aguilar ang panibagong pagkakatala ng mga pasyenteng gumaling sa sakit kung saan umabot na aniya sa kabuuang 275 recoveries sa buong siyudad.

“Tuluy-tuloy ang ating lokal na pamahalaan sa kanyang mga hakbang na tugunan ang [mga] COVID cases at mapigilan ang pagkalat ng virus sa lungsod,” sabi ni Mayor Mel Aguilar.

Ayon pa sa alkalde, ang mga nakikitang factors o dahilan kaya mabilis ang pagbuti ng lagay ng COVID cases sa lungsod ay dahil sa mga inilatag na health protocols ng Las Piñas government kasama na rito ang paglalagay ng converted isolation facilities kaya agad naihihiwalay ang mga nagpositibo at mga nagpakita ng sintomas ng sakit, binibigyan sila ng masusustansiyang pagkain, gamot, at wastong pangangalaga habang naka-quarantine, paglilipat sa tertiary hospital kung may iba pang sakit ang pasyente at ang tuluy-tuloy na Expanded Targeted Testing na isinasagawa sa lungsod.

Inihayag ni Las Piñas City Health Office (LPCHO) chief, Dr. Ferdinand Eusebio, na apatnapu’t isa (41) na pasyente ang nakarekober sa virus.

Kabilang aniya sa mga gumaling na pasyente ay mula sa mga Barangay Almanza Uno, Almanza Dos, CAA, Daniel Fajardo, Manuyo Uno, Manuyo Dos, Pamplona Tres, Pilar, Elias Aldana, Pulanglupa Uno, Pulanglupa Dos, Talon Dos at Talon Kuwatro.

Ayon sa LPCHO, nasa 428 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19, 275 rito ang gumaling o nakarekober na sa sakit, 33 ang nasawi, 120 active case, 45 sa probable at 43 naman sa suspect.

Idinugtong pa ni Dr. Eusebio na malaking tulong din ang isinasagawang mas maigting na screening at contact tracing sa mga residenteng posibleng nakasalamuha o na-expose sa mga pasyenteng nagpositibo sa COVID-19.

Patuloy aniya ang lokal ng pamahalaan sa pagbibigay ng pangangailangan ng mga pasyente na naka-quarantine sa isolation facility sa LIGTAS for COVID Center sa Las Piñas sa Barangay Daniel Fajardo at handa na rin ang LIGTAS for COVID Center na nasa Golden Acres Subdivision, Barangay Talon Uno.

Nagpapatuloy rin ang isinasagawang rapid at swab testings sa mga suspected COVID case sa lungsod upang matiyak ang seguridad sa kalusugan ng mga Las Piñeros sa panahon ng krisis.

Kabilang sa mga sumalang na sa testing ang mga health care worker, mga kawani ng city hall, BJMP personnel, mga tauhan ng Las Piñas City Police, barangay workers, mga guro, iba pang frontliners, pedicab at tricycle drivers sa lungsod.

Kahapon, June 22, 2020, naitala rin ang paggaling ng 18 pasyente sa naturang sakit.

Pinalakas din ng Las Piñas City Police ang police visibility nito sa mga istratehikong lugar at 24-oras na pagpapatrulya upang tiyaking nasusunod ng mga residente ang health protocols kabilang ang pagsusuot ng face mask, physical distancing at curfew hours mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw. J JALBUNA

Related posts

Leave a Comment