5 kawani positive sa COVID-19 2-WEEK LOCKDOWN SA NAVOTAS BRGY HALL

NILAGDAAN ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang Executive Order No. TMT-036, series of 2020, nakasaad na isinailalim sa dalawang linggong lockdown ang North Bay Boulevard South (NBBS) Dagat-dagatan Barangay Hall at ang mga lugar na sakop ng 50-meter radius nito makaraang limang kawani ng barangay ang nagpositibo sa COVID-19.

Ayon sa nasabing order, nagsimula ang lockdown alas-5:01 ng umaga nitong Hulyo 5 at tatagal hanggang 11:59 ng gabi sa Hulyo 18.

“Tandaan po na dahil laganap na ang COVID-19, wala tayong kasiguruhan kung sino-sino na ang apektado nito.

Meron tayong mga pasyente na asymtomatic o walang sintomas. Dahil dito, posible na tayo mismo o ang ating mga kasama sa bahay o opisina ay maaaring may virus na rin. Kaya ‘wag pong maging kampante. Mag-ingat parati,” ani Mayor Tiangco.

Sarado muna ang NBBS Dagat-dagatan Barangay Hall at magtatalaga ang barangay ng satellite desk na tatauhan ng mga kawani na nag-negative sa COVID-19 testing.

Ang mga residente sa 50-meter radius ng barangay hall ay pinagbabawalan munang lumabas at ihahatid ng mga kawani ng barangay ang relief packs para sa kanilang pangunahing pangangailangan.

Hindi kasali sa lockdown ang mga residenteng frontliners o essential workers tulad ng mga nagtatrabaho sa Navotas Fish Port Complex. Exempted din ang mga may medical emergency.

Ang mga papasok sa trabaho ay dapat magdala ng ID o certificate of employment, at kailangang nakasuot ng face mask na natatakpan ang ilong at bibig, dumidistansya ng 1-2 metro mula sa mga kasama, umiwas makipagkumpulan at parating maghuhugas ng mga kamay. (ALAIN AJERO)

Related posts

Leave a Comment