COVID CASES PATULOY SA PAGDAMI

SINABI ng Malakanyang na malapit nang malampasan ang bilang ng COVID-19 infections na naitala noong Agosto ng nakaraang taon.

Matatandaang noong Agosto 2020 ay pinakinggan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang panawagan ng mga health worker para sa 2-linggong pagbabalik ng Metro Manila sa itinuturing na “second strictest lockdown level” dahil sa pagbaha ng coronavirus patients sa mga ospital.

“Itong spike po talaga ay nangyayari ngayon. We are nearing the peak that we saw last August,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

“Pupuwede pong lumampas pa tayo sa peak natin noong August kung hindi natin mapapababa ang mga kaso ng COVID-19,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

Sa ulat, nakapagtala ng dagdag na 5,404 bagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) nitong Lunes ang Department of Health (DOH), kung kaya’t napatalon na sa 626,893 ang nahahawaan nito ngayon sa Pilipinas.

Batay sa datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga numero nitong Miyerkoles: Lahat ng kaso: 626,893; Nagpapagaling pa: 53,479, o 8.5% ng total infections;

Kare-recover lang: 71, dahilan para maging 560,577 na lahat ng gumagaling; kamamatay lang: 87, na siyang nag-akyat sa local death toll sa 12,837.

“Mapapababa po natin ang numerong iyan dahil alam po natin sa nakalipas na taon, importante po na pag-ingatan ang ating buhay para tayo po’y makapaghanapbuhay,” anito.

“Napakahirap pong muli kung tayo po’y magsasara ng ekonomiya at mawawalan ng hanapbuhay ang napakarami nating mga kababayan,” ang pahayag ni Sec. Roque.

Sinabi pa ni Sec. Roque na habang ang 8 mula sa 17 rehiyon sa bansa ay nakapagtala ng pagtaas ng health care utilization rates simula Pebrero 11 ay wala naman ang humantong sa moderate-risk level.

At bilang bahagi ng pakikipaglaban sa pagsirit ng COVID-19 case ay pagbabawalan nang lumabas ang mga menor-de-edad sa National Capital Region simula ngayong araw.

Ito ang inihayag ng Metro Manila Development Authority (MMDA) dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ayon sa MMDA, binabalangkas na ng Metro Manila Council (MMC) ang resolusyon para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng health measures kung saan sakop nito ang 17 local government units sa rehiyon.

Sa ilalim ng resolusyon, pinapayagang lumabas ng bahay ang edad 18 hanggang 65 habang pinagbabawalan naman ang edad 15 hanggang 17-anyos na tatagal ng dalawang linggo. (CHRISTIAN DALE)

73

Related posts

Leave a Comment