DRUG DEALER TIMBOG SA ECQ CHECKPOINT

ARESTADO ang isang lalaking hinihinalang drug dealer matapos makumpiskahan ng P306,000 halaga ng umano’y shabu nang maharang sa inilatag na checkpoint ng mga pulis sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela Police chief P/Col. Fernando Ortega ang suspek na si Ronald Cruz, alyas “Onat”, 34, ng #42 General Concepcion St., Bagong Barrio, Caloocan City.

Sa imbestigasyon ni P/Cpl. Christopher Quiao, unang ipinaalam ng Tactical Operation Center sa lahat ng police personnel na maglatag ng checkpoints matapos ang natanggap na impormasyon mula sa regular confidential informant, na isang alyas Onat ang magde-deliver ng shabu sa lungsod sakay ng isang motorsiklo.

Dakong alas-3:30 ng hapon nang mamataan ng mga pulis sa checkpoint sa harap ng MacArthur Highway sa Brgy. Marulas, ang isang lalaking sakay ng motorsiklo ngunit tinangkang umiwas kaya’t pinara ni P/SMSgt. Roberto Santillan.

Nang hanapan ng driver’s license at iba pang kaukulang dokumento, itinulak ng suspek si Santillan saka tinangkang tumakas na naging dahilan upang habulin siya ng nasabing pulis kasama si P/Cpl. Baquiran hanggang sa madakip.

Nakumpiska sa suspek ang 11 piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng 45 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P306,000 ang halaga, 4 assorted IDs, at drug paraphernalia. (FRANCIS SORIANO)

 

 

79

Related posts

Leave a Comment