IBP-QC MEMBERS HINIKAYAT BUMOTO

NANAWAGAN ang sekretarya ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), sangay ng Quezon City, na si Maria Angelica “Angie” de Ramos sa mga miyembro nito na mayroong malinis na katayuan na lumahok sa eleksyon at maghalal ng mga opisyal nito sa Sabado (Pebrero 27).

Sinegundahan ni Atty. Lennard Constantine “Leng” Serrano ang panawagan ni De Ramos at nilinaw sa kasapian na sila ay maaaring makaboto nang personal, o sa pamamagitan ng online dahil sa limitasyong kinakaharap dulot ng COVID-19.

Ang IBP-QC ang pinakamalaking sangay ng IBP sa buong bansa.

Itinuturing at kinikilala ang IBP bilang isa sa mga prestihiyoso at solidong kapatiran ng mga abogado sa Pilipinas.

Tinuran din ng mga opisyal ng IBP na kailangan ang pisikal na presensya sa lugar na pagdarausan ng halalan ng mga nominado sa anomang posisyon upang personal nilang tanggapin ang nominasyon at mahalal sa posisyon.

Ito’y makaraang magpasya ang pamunuan ng IBP-QC na hindi pinahihintulutan ang nominasyon at eleksyon sa online, pahayag ni Atty. Maria Andreameda “Maida” Catubay.

Nilinaw naman nina Alton C. Durban at Frances Mae “Cherryl” Ontalan na tanging mga miyembro na nagbayad ng butaw para sa taong 2021, walang pagkakautang at itinuturing at kinikilalang kasapi na mayroong magandang katayuan sa IBP ang pinahihintulutang maghalal at mahalal na opisyal.

Ipinayo ni Atty. Arbie C. Buenaflor sa kasapian na agahan ang pagtungo sa lugar na pagdarausan ng halalan upang maiwasan ang siksikan at pagkaantala ng eleksyon.

Alas-8:00 ng umaga magsisimula ang halalan at magtatapos ng 4:00 ng hapon sa lobby ng Quezon City Hall.

Pinayuhan din ang mga boboto, sa pamamagitan ng online, na agahan ang pagpapadala ng kanilang boto.

Sina Kathleen Stacey “Kasey” Villordon, Marie Cielo “Cielo” Ceñidoza, Cerizar Vicente “Donvic” Torio, Raul Ricardo “Raul” Francisco at Bantuas “Banjo” Lucman, at maging ang mga dating pangulo ng IBP-QC, mga opisyal at kasapian, at mga opisyal at mga kasapi ng QC Trial Lawyers League ang magtitiyak na magiging maayos at matiwasay ang halalan.

Mahigpit ding paiiralin ang health protocols partikular ang social distancing upang makaiwas sa COVID-19. (NELSON S. BADILLA)

 

68

Related posts

Leave a Comment