Kasunod ng fish kill dahil sa white sand? MASSIVE INSPECTION SA MANILA BAY

0

NAGLUNSAD ng massive inspection sina Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu at Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa Manila Bay beach matapos na isisi sa DENR ang nangyaring na fish kill sa lawa ng Maynila.

Ang nasabing pagsusuri ay kasabay ng pagdaraos ng ika-35 International Coastal Clean-up Day nitong Sabado, Setyembre 19.

Kasama nina Cimatu at Moreno sina Agriculture Secretary William Dar, DOLE Secretary Silvestre Bello, DSWD Secretary Rolando Bautista, MMDA Chairman Danny Lim at iba pang mga opisyal ng gobyerno.

Tone-toneladang basura ang nahakot ng ilang ahensya ng gobyerno at mga pribadong organisasyon na nakiisa sa clean-up drive sa kahabaan ng Roxas Boulevard.

Kasabay ng International Coastal Clean-up Day, pansamantala ring binuksan ang Manila Bay sa publiko nitong ng Sabado.

Nakiusap naman si Moreno sa publiko na makiisa sa paglilinis ng Manila Bay.

“Matapos gawin at patuloy na gagawin at aayusin, nakikiusap naman ako, ‘yung mga balat ng candy ninyo, pinag-inuman, pinagkainan ilagay niyo naman sa tamang sisidlan. Maging responsable rin tayong mamamayan. Hindi lamang ang gobyerno nagpoprotekta sa kapaligiran… Dumating kayong malinis, umalis din kayo nang malinis,” pahayag ni Moreno.

Bubuksan sa publiko nang dalawang araw ang lugar sa Baywalk sa Maynila na tinambakan ng artificial white sand.

Ito ang kontrobersyal na proyekto kung saan nilagyan ng dinurog na dolomite rock ang dalampasigan ng Manila Bay para magmukhang white sand beach sa lugar.

Binigyan ng pagkakataon ang publiko na maglakad-lakad at magpakuha ng larawan sa artificial white sand beach. Basta sundin lamang ang ipinaiiral na health protocol laban sa pagkalat ng COVID-19.

Samantala, patuloy na sinisiyasat ng DENR at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang umano’y naganap na fish kill sa Manila Bay na ayon sa mga eksperto ay sanhi ng kakulangan ng oxygen sa tubig taliwas sa akusasyong bunsod ng dolomites sand ang  dahilan ng pagkamatay ng mga isda.

Ayon kay Environment Undersecretary Benny Antiporda, hindi nila inaalis ang anggulong pananabotahe ang dahilan sa likod ng nangyaring fish kill. (JESSE KABEL)

Related posts

Leave a Comment