LALAKI NATAGPUANG PATAY SA MOSQUE

NATAGPUANG patay at may tama ng saksak sa katawan ang isang 23-anyos na lalaki sa loob ng Golden Mosque compound sa Quiapo, Manila noong Martes ng hapon, Setyembre 15.

Kinilala ang biktimang si Akhmad, binata, jobless, tubong Lanao Del Sur at nanunuluyan sa Golden Mosque compound sa Brgy. 384, Zone 39 sa Quiapo.

Samantala, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa impormasyong dalawa ang suspek at inaalam ang pagkakakilanlan ng mga ito.

Blangko ang pulisya hinggil sa posibleng motibo sa krimen dahil walang gustong tumestigo sa insidente.

Base sa initial na ulat na nakarating kay P/Lt. Col. John Guiagui, station commander ng Manila Police District-Station 3, bandang 1:30 ng hapon nang madiskubreng patay ang biktima sa kanyang tinutuluyan sa nabanggit na compound.

Isang Hadji Basher Alingan y Soraya, 43, acting admin personnel ng Golden Mosque, isang babae na hindi pinangalanan ang nakadiskubre sa bangkay ng biktima.

Bilang pagsunod sa tradisyon ng mga Muslim, hindi isinailalim sa awtopsiya ang bangkay na agad ipalilibing ng mga kaanak. (RENE CRISOSTOMO)

103

Related posts

Leave a Comment