LGUs HINIKAYAT SA PAGTATANIM

PINAYUHAN ni Senador Imee Marcos ang mga lokal na pamahalaan na buhayin ang isang “simple ngunit binabalewalang solusyon” ng pagtatanim sa sariling bakuran sa harap ng mataas na presyo ng mga bilihin.

Sinabi ng senador na malaki ang maitutulong ng pagtatanim sa mga bakanteng lote sa lungsod.

“Wala namang kakapusan sa mga punla o binhi na maaring maitanim, mga tao na lang na handang magtanim ang kailangan,” ani Marcos.

“Simple lang ang ideya pero hindi ito nagagawa o nagagamit na solusyon. Kahit sa paso o ‘yung mga plastic bottle at iba pang pwedeng pagtaniman ay maaaring punlaan ng mga gulay at mga crops para sa mga lutong bahay na pagkain, tulad ng malunggay, repolyo, petsay, sitaw, kamatis at mga patatas,” ani Marcos.

Aniya, dapat ding samantalahin ang work from home ng maraming indibiduwal kung kaya’t malaking pagkakataon na turuan ang mga itong magtanim.

“Lalo na halos lahat ay nasa bahay o naka-work from home ngayong pandemya, magiging produktibo ang ating oras sa pagtatanim na makatutulong din para magkasya ang karne sa badyet,” dagdag pa ni Marcos.

Mula Nobyembre, sumirit na ang presyo ng baboy, baka, manok, isda at mga gulay sa iba’t ibang mga palengke sa Metro Manila, makaraan ang pananalanta ng mga bagyo, pagdami ng kaso ng African Swine Fever (ASF) sa mga hog raisers, at banta ng mga nagyeyelong hamog sa mga produksyon ng gulay sa norte.

Kada kilo, ang presyo ngayon ng baboy ay nasa Php320 hanggang Php330 mula sa dating Php280 hanggang Php320 sa nakalipas na dalawang buwan; sa manok naman ay nasa Php160 hanggang Php170 na mula sa dating Php120 hanggang Php160; at baka na nasa Php350 hanggang Php380 mula sa dating Php340 hanggang Php370.

Pagtataya ni Marcos posibleng sumipa pa ang presyo ng baboy, dahil nag-aalala ang mga hog raisers o magbababoy na apektado na rin ng ASF ang Leyte, South Cotabato at ilang bahagi ng Davao.

Nanawagan din si Marcos na mas higpitan ang inspeksyon sa mga imported na karne na hinihinalang dahilan kaya nakapasok ang ASF sa bansa, ito’y matapos ihayag ng Department of Agriculture (DA) na planong triplehin ang mga inaangkat mula sa dating minimum access volume na 54,000 metric tons.

“Ang isda ay hindi na ngayon ulam ng mahirap,” dagdag ni Marcos, dahil naglalaro na ngayon ang presyo ng galunggong sa P240 kada kilo, mula sa dating P200 noong Nobyembre. Ang bangus na dati ay P120 hanggang P150 kada kilo, ngayon ay binebenta ng P200 hanggang P220.

Ang pabago-bago rin umano sa presyo ng gulay ay tila inaalis ang masustansya at malasang mga lutong-bahay na pagkain, ani Marcos, binanggit niya ang presyo ng sibuyas at bawang na nasa P100 kada kilo, mula sa dating P70 hanggang P80 noong Nobyembre. Ang patatas na dati ay binebenta ng P50 kada kilo, ngayon ay mabibili ng P70.

“Dapat din palakasin ng DA ang kanilang mga programa para matulungan kapwa ang mga food producers at konsyumer upang masiguro ang suplay ng pagkain” gaya ng ‘Plant, Plant, Plant, Program (4P’s) at ang discounted na presyong alok ng ‘Mobile Palengke’ at ‘Kadiwa ni Ani at Kita’, dagdag ni Marcos. (NOEL ABUEL)

47

Related posts

Leave a Comment