METRO MANILA, DAPAT MANATILI SA GCQ

BAGAMA’T kailangan pang balansehin ang ekonomiya at kaligtasan, naniniwala si Senate Majority Leader Migz Zubiri na mas makabubuting manatili sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila sa gitna pa rin ng patuloy na pagtaas na kaso ng COVID 19.

Sinabi ni Zubiri na mahirap na desisyon ang gagawin ni Pangulong Rodrigo Duterte kung dapat nang ilift ang quarantine dahil kailangan maging balanse ang pangangailangan ng bansa para sa mga negosyo at pagtiyak na magiging ligtas ang mamamayan.

Nakakatakot anya na matapos buksan ang ilang negosyo tulad ng mall at mga restaurant, tumaas ang bilang ng COVID cases.

Mahirap din anyang mangyari sa Pilipinas ang naganap sa ibang bansa na mistulang matira matibay na lang.

“Ayoko naman mangyari sa atin na matira matibay. Ang health facilities natin bilang napakakonti, ayoko po mangyari na mapuno ang ospital dahil dadami ang mamatay,” diin ni Zubiri.

May mga pag-aaral anya na naiuugnay ang pagtaas ng bilang ng COVID 19 sa pagpayag na magkaroon na ng dine in sa mga restaurant at payagan ang operasyon ng mall.

“Kapag nag MGCQ luluwag na restrictions sa restaurants, yung mga malls open na pati age limit nawawala sa MGCQ, yan ang kinatatakutan ko kasi napakadelikado,” diin pa nito.

Samantala, iginiit ni Zubiri na sa halip na si Environment Secretary Roy Cimatu, dapat si Health Secretary Francisco Duque III ang ipinadala ni Pangulong Duterte sa Cebu upang magpairal ng quarantine protocols. (Dang Samson-Garcia)

Related posts

Leave a Comment