Metro mayors nagkasundo MINORS BAN SA MALLS AT SIMBANG GABI *Yorme, hindi susunod?

NAGKAISA ang Metro Manila mayors sa kanilang inilabas na unanimous votes na nagbabawal sa mga menor de edad na mamasyal sa shopping malls ngayong yuletide season, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Miyerkoles.,

“I salute the position of the NCR (National Capital Region) mayors. I really appreciate their position,” reaksyon ni Interior Secretary Eduardo Año sa naging resulta ng huling pagpupulong ng mga metro mayor hinggil sa isyu.

Nabatid na nagkasundo ang 17 alkalde ng Kalakhang Maynila na ang papayagan lamang ay mga kabataang may edad na 18-anyos pataas at 65-anyos pababa sa hanay ng senior citizen, na makalabas ng bahay.

“It’s Christmas [at] ang tendency ng mga tao ay lumabas, mag-party… According to the health experts, hindi pa puwede ang mga bata [dahil] sila ang mga spreader ng disease,” paliwanag ng kalihim kung saan ibinase ng mga mayor ang kanilang sama-samang pasya.

Ipinagbabawal din sa Metro Manila na lumabas at sumama ang mga menor de edad sa tradisyunal na pre-dawn Christmas Masses o Simbang Gabi kahit pa nagluwag na sa lockdown restrictions.

Base rin ito sa direktiba ng mga eksperto sa mga kabataan na nagbabawal sa hanay ng mga underaged na lumabas ng kanilang bahay para sa non-essential purposes, kabilang na ang pagpunta sa malls.

“Definitely po bawal din sa Simbang Gabi [ang mga menor de edad],” ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia.

Samantala, sa lungsod ng Maynila ay nagpahayag ang lokal na pamahalaan na pag-aaralan muna nila kung papayagan na ang mga menor de edad na pumunta sa malls.

Ito ang sinabi nina Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan, kabilang ang kinauukulang mga tanggapan, kawanihan, departamento at miyembro ng konseho ng lungsod, na masusing pinag-aaralan ang desisyon kung saan ang pangkalusugan sitwasyon ng lungsod ang pangunahing bibigyan ng konsiderasyon.

“Kailangan po nating patuloy na mag-ingat at makinig sa payo ng mga eksperto patungkol sa pagpapahintulot sa mga menor de edad na pumasok sa mga malls. We can never go wrong with scientific data coming from the experts,” ayon sa alkalde.

Sinabi pa ng alkalde, bagama’t unti-unti nang lumuluwag ang mga regulasyon dahil sa muling pagbubukas ng komersyo, dapat pa rin na bigyang pansin na ang COVID-19 ay narito pa rin at nasa paligid lamang at nananatiling banta sa ating buhay.

“Hangga’t may isang kaso ng sakit na ito, kailangan po natin pangalagaan ang isa’t -isa. Paalala pa rin po sa lahat na magsuot ng face masks at face shields kung mayroon at maghugas ng kamay kasabay ng pag-obserba sa social distancing,” dugtong nito.

Binanggit din ng alkalde, ang Maynila ay nasa magandang kalagayan na ngayon kung ihahambing sa mga nakaraang buwan pagdating sa bilang ng mga tinatamaan ng coronavirus at hindi papayagan ng lokal na pamahalaan na madiskaril ang magandang sitwasyong ito.

Ayon pa sa alkalde, mapatutunayan ito sa pamamagitan ng low occupancy rate sa city run hospitals at quarantine facilities. (JESSE KABEL/RENE CRISOSTOMO)

66

Related posts

Leave a Comment