Mga binili matumal ang dating COVID-19 VACCINES PURO DONASYON

ITINATANONG ng taumbayan sa gobyerno kung bakit mabagal ang pagdating ng mga bakuna na binili ng bansa at karamihan umano sa naibakuna na sa mga tao ay galing sa mga donasyon.

Ito ang nabatid kay ACT Party-list Rep. France Castro sa press conference ng Makabayan Bloc kahapon.

Aniya, sa 7.05 million doses ng COVID-19 vaccines na dumating sa bansa mula noong Pebrero 28, karamihan ay galing sa donasyon lamang.

“Nakikita natin puro donasyon. Kalakhan sa 7.05 million na dumating at itinurok sa ating mamamayan ay mga donasyon kaya naniningil na ngayon ang mamamayan kaugnay nang mabagal, napaka-inefficient na pagbabakuna sa ating mga mamamayan,” ani Castro.

Sa nasabing bilang ng bakuna ay 6.9 million na umano ang naiturok sa mamamayan at malayong malayo pa umano ito sa 140 million doses na kailangang para magkaroon ng herd immunity sa bansa.

Inaasahan aniya na lalong magkukulang ang bakuna matapos buksan sa A5 Category o mga manggagawa, ang pagbabakuna dahil 35 milyon ang bilang ng mga ito subalit matumal ang pagdating ng COVID-19 vaccines.

Ang gobyerno ay naglaan ng P82.5 billion na pambili ng bakuna kabilang ang P70 billion na inutang ng gobyerno subalit wala pang sapat na supply kaya malamang ay limitado lang ang mababakunahan sa working forces.

Sinabi naman ni Bayan Muna Party-list Rep. Ferdinand Gaite, napag-iiwanan ang Pilipinas sa mga karatig bansa pagdating sa pagbabakuna dahil wala pa umanong isang porsyento sa mga Filipino ang nabakunahan.

Ayon sa mambabatas, mahigit kalahati na sa populasyon ng Singapore ang nabakunahan na habang tig-10 percent naman sa mamamayan ng Laos at Indonesia ang nagkaroon ng proteksyon sa COVID-19.

Bagama’t isang porsyento pa lamang umano sa populasyon ng Vietnam ang nabakunahan ay mas mataas pa rin aniya ito sa “less than one percent” na nabakunahan sa ating bansa.

Dahil dito, kinalampag ng mga ito ang gobyerno at huwag aniyang iaasa sa private sector ang pagbabakuna sa mamamayan kung nais ng mga ito na makamit na sa lalong madaling panahon ang herd immunity. (BERNARD TAGUINOD)

49

Related posts

Leave a Comment