MRT-3 ‘DOOR FAILURE’ NAGPABABA SA HIGIT 800 PASAHERO

mrt3

(NI KEVIN COLLANTES)

NAPILITAN ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na pababain ang kanilang 850 train passengers nang magkaaberya ang sinasakyang tren ng mga ito sa area ng Mandaluyong City, ngayong Miyerkoles ng umaga,  sa kasagsagan pa naman ng rush hour.

Sa inisyung advisory ng Department of Transportation (DOTr)-MRT-3, nabatid na alas-6:30 ng umaga nang maganap ang aberya sa northbound lane ng Shaw Boulevard station.

Dumanas umano ng ‘door failure’ ang sinasakyang tren ng mga pasahero, kaya’t napilitan silang pababain ang mga ito sa naturang istasyon para na rin sa kanilang kaligtasan.

Makalipas naman ang dalawang minuto ay napasakay rin kaagad sa kasunod na tren ang mga pasahero habang hinatak ang tren patungo sa train depot upang kumpunihin.

“A Northbound (NB) train unloaded at Shaw Boulevard station due to DOOR FAILURE at 6:32 am, today (July 3). The whole train was unloaded, with approximately 850 passengers. Passengers were loaded in the next train which arrived 2 minutes later,” paabiso pa ng DOTr-MRT-3.

“One cause of door failure is stress on door components caused by leaning on the door or forcing it open,” dagdag pa nito.

Kaugnay nito, patuloy ang paalala ng MRT-3 sa mga pasahero na huwag sasandalan ang pintuan ng tren at huwag itong pupwersahing buksan upang maiwasan ang pagkakaroong muli ng door failure.

Humingi rin naman ito ng paumanhin dahil sa abalang idinulot ng aberya sa kanilang mga pasahero.

Ang MRT-3 ang siyang nag-uugnay sa Taft Avenue, Pasay City at North Avenue, Quezon City via Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).

 

75

Related posts

Leave a Comment