PUBLIKO BINALAAN VS PEKENG RT-PCR TEST RESULTS

0

NANAWAGAN si Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar sa publiko na huwag maging biktima ng modus ng ilang grupo na nagbebenta ng pekeng swab test o COVID-19 result.

Sinasabing may logo pa ng Philippine Red Cross ang mga pinekeng resulta ng RT-PCR Test para magmukhang authenticated o tunay.

Sa Quezon City, tatlong suspek ang naaresto sa pamemeke ng swab test result kung saan ay kailangang magbayad ang mga biktima ng halos P16,000 para sa pinekeng resulta na gagamitin lamang para makauwi sa kanilang lalawigan.

Ayon kay P/Gen. Eleazar, “Hindi biro ang krimen na pamemeke ng RT-PCR results lalo na’t nasa gitna tayo ng pandemya. Nakasalalay sa mga test results na ito ang kaligtasan at kalusugan ng ating mga kababayan mula sa COVID-19.”

“Kaya noon pa man ay tinututukan na ng ating kapulisan ang pamemeke ng COVID test results at iba pang mga mahalagang dokumento na may kinalaman sa COVID-19,” dagdag pa niya.

Itinanggi ng mga suspek ang alegasyon laban sa kanila matapos dakpin ng Quezon City Police District Station 7 kung saan sila ngayon naka kulong.

“I commend our personnel in the Quezon City Police District for their quick action on the complaint regarding the fake RT-PCR results being sold to our kababayan. Isa itong patunay na sa pagtutulungan ng ating mga kababayan sa kanilang PNP, agaran nating marerespondehan ang mga ganitong uri ng modus na lubhang mapanganib dahil sa sitwasyon natin ngayong panahon ng pandemya,” wika ng PNP chief.

“Patuloy ang operasyon namin tungkol dito at marami-rami na rin ang aming nahuli at nakasuhan sa nakalipas na mga buwan,” dagdag pa niya.

Hinimok ni P/Gen Eleazar ang publiko na iulat sa mga awtoridad kung mabibiktima sila ng mga ganitong klase ng kawatan.

“Ipinapaalala sa ating mga kababayan na huwag tangkilikin ito dahil kasama kayo sa makakasuhan kapag nahuli kayong may bitbit na ganitong pinekeng dokumento,” wika ni P/Gen. Eleazar. (JESSE KABEL)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment