QC RESIDENT NAKAREKOBER SA UK COVID VARIANT

0

INANUNSYO ng Quezon City government nitong Biyernes, ang residenteng nag-positive sa UK COVID-19 variant, ay negatibo na base sa isinagawang pinakabagong swab test.

Ayon kay Dr. Rolly Cruz, pinuno ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), ang mga doctor sa quarantine facility kung saan nanunuluyan ang pasyente. ay nagsagawa ng final assessment bago pa man ideklarang fully recovered na ito.

“After that, he would be allowed to reunite with his family and reintegrate with the community,” ani Cruz.

Ngunit sinabi ni Cruz na mananatili pa rin ang pasyente sa ilalim ng mahigpit na health monitoring sa loob ng dalawang linggo.

Nagbabala naman si Mayor Joy Belmonte sa kumunidad laban sa diskriminasyon na umano’y may karampatang parusa sa ilalim ng kasalukuyang umiiral na Anti-Discrimination Ordinance.

“Sa panahon ngayon, huwag na nating bigyang puwang ang diskriminasyon dahil wala itong naitutulong at nakakabigat pa sa sitwasyon,” ani Belmonte.

“Sa halip na pandirihan, ipakita natin ang ating pagmamahal sa kanya at iparamdam na tayo’y masaya na siya’y magaling na,” dagdag pa niya.

Ang nasabing residente ay bumalik sa bansa mula Dubai kasama ng kanyang girlfriend noong Enero 7. Sa pagdating niya ay isinailalim siya sa mandatory testing at 14-day quarantine.

Makaraang masuring positibo sa COVID-19, ang kanyang sample ay ipinadala sa Philippine Genome Center para sa analysis na kung saan ay nadiskubreng UK variant ang virus.

Ang girlfriend ng residente at nanay nito, gayundin ang 14 iba pang pasahero ng eroplano sa nasabing flight, ay positibo rin sa COVID-19.

Ang kanilang test results ay ipinadala na sa PGC para sa analysis upang malaman kung may UK variant sila. (JOEL O. AMONGO)

Related posts

Leave a Comment