RELEASE NG HAZARD PAY NG MEDICAL WORKERS, PINABIBILISAN NG MALAKANYANG

HINIKAYAT ng Malakanyang ang Department of Health (DoH) na i-fasttrack o bilisan ang pagpapalabas ng hazard pay para sa medical workers na nasa frontline ng laban sa COVID-19.

Kaagad namang masususpinde ang mga health official na mabibigong gawin ito.

Tinatayang 30,000 health care workers ang hindi pa nakatatanggap ng ilang buwan nilang sahod, hazard pay at special risk allowance ayon kay Maristela Abenojar, national president ng Filipino Nurses United.

Napaulat na kamakailan ay sinuspinde ng Office of the Ombudsman ang ilang opisyal dahil sa “late release” ng benepisyo ng health workers, gaya ng nakasaad sa ilalim ng Bayanihan to Heal As One Act.

“Papaalalahanan po natin ngayon ang DOH muli na marami na naman tayong natatanggap na mga balita na nadi-delay ang pag-release ng hazard pay, at baka mayroon na naman kasing ma-suspend ang Ombudsman,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ang pahayag na ito ni Sec. Roque ay matapos bawiin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang deployment ban sa health workers na naghahangad na makapagtrabaho sa ibang bansa.

Inilagay naman ni Pangulong Duterte sa 5,000 health care workers lamang kada taon ang papayagan na makalabas ng bansa para magtrabaho upang matiyak na may sapat na bilang ng medical professionals sa bansa habang nananatiling may pandemya. (CHRISTIAN DALE)

62

Related posts

Leave a Comment