SA LOVE TRIANGLE AT ONSEHAN SA DROGA LIVE-IN PARTNERS ITINUMBA

MASUSING imbestigasyon ang isinasagawa ng Taguig City Police kaugnay sa pagpatay sa mag-live-in partner sa magkahiwalay na lugar sa lungsod nitong Lunes ng madaling araw.

Natagpuang patay ang mga biktimang sina alyas Gillian, 25-30 anyos, 5’3 ang taas at  balingkinitan ang katawan, at alyas Negro, 30-35 anyos, 5’6 ang taas at maputi, kapwa may mga tama ng bala sa katawan.

Base sa imbestigasyon, ala-1:45 ng umaga nang matagpuang nakahandusay sa loob ng bahay sa Purok 10, PNR Site, Western Bicutan, ang katawan ni Negro habang sa kalsada naman natagpuan ang katawan ni Gillian na kapwa tadtad ng tama ng bala sa kanilang katawan.

Ayon sa Purok Leader na si Juliet, madalas dumayo sa PNR Site ang dalawang biktima upang mag-shabu sa bahay ng isa ring drug user, na nagkaroon ng diperensiya sa pag-iisip dahil sa labis na paggamit ng droga.

Hinala ng mga kapitbahay, posibleng makaraang mabaril si Negro ay tinangka ni Gillian na humingi ng tulong o kaya ay mag-report sa pulis ngunit nakita siya ng suspek kaya’t nang masundan ay pinagbabaril din.

Ngunit hinala ng mga pulis, may kinalaman ang lalaking payat na nakitang kasama ni Gillian na tumakbo palabas ng bahay kaya’t pinaghahanap ito.

Nakuha mula sa kalsada ang siyam na basyo ng bala at plastic sachet na may bahid ng shabu.

Sinabi ng ilang tagalugar na ang babaeng napatay ay nagbibigay ng aliw kapalit ng perang pambili ng shabu.

Inaalam kung ang motibo sa pamamaslang ay onsehan sa droga o love triangle. (DAVE MEDINA)

 

106

Related posts

Leave a Comment