SUSPEK NA HOLDAPER NA KARNAPER PA NALAMBAT

11-ANYOS HINOLDAP

ARESTADO ang isang lalaki dahil sa ibinibentang nakaw na motorsiklo, nakumpiskahan ng umano’y shabu at nangholdap ng isang 11-anyos na batang babae sa Valenzuela City, noong Lunes ng tanghali.

Nahaharap sa kasong robbery holdup in relation to RA 7610 (child abuse), paglabag sa RA 6539 (Anti-Carnapping Act of 1972) BP 6 (illegal possession of bladed weapon) at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang arestadong suspek na kinilalang si Enrique Beranio Jr., 29, ng NPC Sukaban, Bagbaguin, Caloocan City.

Sa report ni P/Cpl. Christoper Quiao sa bagong hepe ng Valenzuela City Police na si P/Col. Fernando Ortega, dakong alas-11:50 ng tanghali, nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Valenzuela Police Community Precinct (PCP)-8, sa pangunguna PEMS Ronaldo Ruiz, kasama si P/Cpl. Rafaelito Santos at Pat. Mark Anthony Gatchalian, sa Brgy. Mapulang Lupa, nang ipaalam sa kanila ng isang concerned citizen ang hinggil sa kahina-hinalang motorsiklo na ibinibenta ng suspek sa Orosco Purok 4 dahil sa murang halaga.

Nang puntahan ng mga pulis, hinanapan nila ng ID ang suspek ngunit walang naipakita at napag-alaman sa papeles ng motorsiklo na nakapangalan ito nsa ibang tao.

Naghinala ang mga pulis kaya’t inatasan nila si Beranio na ilabas ang laman ng compartment ng motorsiklo at nadiskubre nila ang isang patalim, dalawang driver’s license na nakapangalan sa magkaibang tao at limang plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na naging dahilan upang arestuhin nina P/Cpl. Santos at Pat. Gatchalian ang suspek.

Nauna rito, dakong alas-8:00 ng gabi nang harangin ng suspek na sakay sa nasabing motorsiklo ang dalawang batang babae na naglalakad sa Servando St., Brgy. Mapulang Lupa saka tinutukan ng patalim ang isa na edad 11-anyos, at tinangay ang cellphone ng bata.

Inaalam ng mga pulis kung may kaugnayan si Beranio sa isang suspek na unang naaresto kamakailan sa robbery snatching at carnapping sa Brgy. Lawang Bato.

Ito ay dahil ang isa sa driver’s license na narekober sa kanya ay nakapangalan sa may-ari ng motorsiklo na narekober sa unang nadakip na suspek ng robbery snatching at carnapping. (FRANCIS SORIANO)

 

Related posts

Leave a Comment