Walong taon inimbestigahan ng NBI 4 BOC OFFICERS, NADIIN SA BASURA NG CANADA

WALONG taon ang inabot ng National Bureau of Investigation (NBI) bago natukoy ang mga kawani ng Bureau of Customs (BOC) na siyang may kasalanan sa pagpasok ng tone-toneladang mga basura mula sa Canada noong taong 2013 at 2014.

Tinukoy ng NBI ang mga kawani na sina BOC examiners Benjamin Perez Jr. at Eufracio Ednaco, at BOC appraisers Matilda Bacongan at Jose Saromo.

Batay sa resolusyon ng mga prosekyutor ng Department of Justice (DOJ) na inilabas noong Disyembre 4, 2020, kasong kriminal ang nararapat isampa laban kina Perez, Ednaco, Bacongan at Saromo dahil sa paglabag sa ilang probisyon ng Republic Act No. 6969 (Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990).

Ayon sa DOJ, alam ng nasabing mga kawani ng BOC ang nilalaman ng mga container van dahil sila ang nag-asikaso ng mga ito.

Sa kabilang banda, pinawalang-sala ng mga prosekyutor si Department of Environment and Natural Resources Undersecretary Juan Miguel Cuna, mga opisyal ng Environment Management Bureau (EMB) na sina Irvin Cadavona, Geri Geronimo Sañez at Renato Cruz dahil kapus ang ebidensiya laban sa mga ito.

Ibinasura rin ng DOJ ang reklamong paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) laban sa mga akusado dahil walang sapat at matibay na ebidensya.

Ang resolusyon ng DOJ ay sagot sa reklamo ayon sa resulta ng imbestigasyon ng NBI-Environmental Crime Division-Investigative Service (ECD-IS) laban sa mga akusado.

Naibalik na sa Canada ang mahigit 100 container vans na naglalaman ng mga basura. (NELSON S. BADILLA)

70

Related posts

Leave a Comment