WATER JEEPNEY BIBIYAHE NA; LIBRENG SAKAY INIHAYAG

(NI MAC CABREROS)

MAS mabilis na ang biyahe ng taga Cavite patungo Manila at pabalik, iniulat ng Department of Transportation (DOTr).

Sa pagbubukas ng Cavite-Manila ferry o water jeepney, inihayag Secretary Arthur Tugade na abot sa 40-45 minuto na lamang ang biyahe mula Cavite City Port Terminal hanggang Liwasang Bonifacio
Terminal pabalik habang nasa 15 minunto lamang ang Cavite – Cultural Center of the Philippines.

“Binubuhay natin ang konsepto ng ‘water jeepney’ at sana ho ay tangkilikin ninyo, para masabi natin: Okay ka, ferry ko,” pahayag  Tugade.

Inihayag pa Secretary Tugade na libre ang sakay simula Disyembre 9 hanggang Enero 9 at posibleng hanggang Enero 31, 2020, kaloob ng Shogun Ships Co. Inc. at Seaborne Shipping Company Inc.  Kaya ng MV Island ang 57 pasahero habang 27 pasahero sa MB Seaborne Mercury,  ayon sa pagkakasunod.

“Ang nasabing proyekto ay makapagbibigay ng alternatibong pamamaraan  ng transportasyon na tutugon sa ating kasalukuyang suliranin sa trapiko, na bago tayo makarating sa Metro Manila ay mag-uubos tayo ng mga 2-3 oras, ngayon, mga 40 minutes na lang,” pahayag naman Cavite
City Mayor Bernardo Paredes.
Ang water jeepney ay itinataguyod ng DOTr katuwang ang Maritime Industry Authority (MARINA), Philippine Ports Authority (PPA) at Philippine Coast Guard (PCG) alinsunod sa Build,Build, Build, Program ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Related posts

Leave a Comment