2 BAGONG KASO NG COVID-19 KINUMPIRMA NG DOH

UMAKYAT na sa lima ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa bansa matapos dumagdag sa listahan ang dalawang bagong kaso nito, ayon sa anunsyo ng Department of Health (DoH).
Sa press briefing, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na isang 48-anyos na lalaki na may travel history mula Japan ang ikaapat na kaso.

“The patient returned to the Philippines last February 25, and experienced chills and fever beginning March 3. The patient sought medical consultation at a hospital and samples were collected for testing,” ani Duque.
Nagpositibo ito sa COVID-19 noong Marso 5, 2020.

Ang ikalimang kaso naman ay isang 62 anyos na lalaki sa San Juan City, na walang rekord na lumabas ng bansa ngunit bumisita ito sa isang Muslim prayer hall, mayroon itong hypertension at diabetes.

“The patient sought medical consultation at a hospital in Metro Manila last March 1, and was admitted with severe pneumonia. Specimen collected on March 4 tested positive for COVID-19 on March 5,” ayon din sa kalihim.

Bago ito ay may tatlong kaso na ang naitala sa bansa na pawang mga turista na nagmula sa China na dumating sa bansa noong Enero.

Dalawa sa mga ito ang magaling na habang isa naman ang namatay.

Nakipag-ugnayan na ang DOH sa PNP at airlines companies upang magsagawa ng contact tracing para mahanap ang mga posibleng nakasalamuha ng mga ito upang maiwasan ang local transmission ng virus.

Parehong naka-admit sa Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa ang dalawang panibagong kaso.
Nasa stable na kondisyon na ang 48-anyos na isang abogado, habang ang 62 anyos na pasyente naman ay nakararanas ng severe pneumonia.

Nang tanungin kung posible bang nakuha ng ikalimang pasyente ang sakit sa pamamagitan ng local transmission ay sinabi nitong “it can be considered as a local case”, ayon sa kalihim.

Bumisita sa isang Muslim prayer hall sa San Juan ang ikalimang kaso. Sinomang nagtungo roon na makararanas ng anomang sintomas ay hinihikayat na tumawag sa DOH hotline (02) 8651-7800 local 1149 o 1150 para sa referral sa isang health facility.

Samantala, kinokolekta na rin ng mga awtoridad ang samples mula sa mga taong nagkaroon ng close contact sa dalawang pasyente. DAHLIA S. ANIN

55

Related posts

Leave a Comment