4 PANG STAFF NG SENADOR, POSITIBO SA COVID-19

APAT pang staff ng mga senador ang nadagdag sa talaan ng mga nagpositibo sa COVID-19 matapos silang sumailalim sa testing.

Sa zoom interview ng Senate Media, kinumpirma ni Senador Migz Zubiri na apat na bagong kaso ng COVID-19 ang naitala kasama na ang isa sa kanyang staff gayundin ang isang tauhan ni Senador Nancy Binay.

Kasabay nito, kinumpirma ni Senate Secretary, Atty. Myra Villarica na naka-quarantine na ang mga staff habang ini-lockdown ang mga tanggapan nina Binay at Zubiri batay sa rekomendasyon ng kanilang Medical and Dental Bureau.

Muli namang nagpaalala ang COVID 19 survivor na si Zubiri sa publiko na doblehin ang pag-iingat dahil sadyang traydor anya ang virus.

Kinontra naman ni Zubiri ang pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na bahala na ang publiko sa pakikipaglaban sa COVID-19.

Sinabi ni Zubiri na hindi tama ang naturang pahayag dahil dapat ang gobyerno ang maging in-charge sa pagtiyak sa maayos na kalusugan ng mamamayan.

Bagama’t may dapat din anyang gampanang tungkulin ang mamamayan, mas malaki anya ang tungkulin ng gobyerno sa krisis na ito. (DANG SAMSON-GARCIA)

Related posts

Leave a Comment