75K OFWs NA NAWALAN NG TRABAHO, NAKAUWI NA

UMABOT na sa 75,000 overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic ang nakabalik na ng kani-kanilang mga lalawigan.

“‘Yung sa ating mga overseas Filipinos na dumarating galing sa ibang bansa na wala nang trabaho, sa ngayon ay meron tayong naibalik sa mga probinsiya na 75,895. So wala na tayong backlog ngayon,” ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenza, pinuno ng National Task Force Against COVID-19.

Sinabi rin nito na ang pagpapauwi sa 5,000 Filipino mula Sabah, Malaysia ay nagpapatuloy.

“Yung mga Filipino sa Sabah, gustong ibalik ng Malaysia sa atin. Ang bilang po noon ay mahigit 5,000,” ayon kay Lorenzana sa public address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte nitong Martes.

Nauna rito, sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na tinatayang may 400,000 OFWs ang nawalan ng hanapbuhay bunsod ng pandemya.

At para matulungan ang mga nawalan ng hanapbuhay at nagbalik na OFWs, binigyan ang mga ito ng pamahalaan ng one-time P10,000 cash assistance.

Sa petsang Hulyo 4, sinabi ng DOLE na may 188,473 OFWs ang nakatanggap ng cash aid, na umabot sa P1.927 billion.

Sa ngayon ay humihirit pa ang DOLE ng karagdagang P2.5 billion para tustusan ang kanilang cash assistance program.

Ang nasabing departamento ay nakatanggap ng mahigit 551,000 aplikasyon mula sa land-based at sea-based workers. (CHRISTIAN DALE)

Related posts

Leave a Comment