ADAC itatanim sa mga barangay WAR ON DRUGS MAGPAPATULOY

MAGPAPATULOY ang matinding kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga kahit matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30, 2022.

Ito ay matapos pagtibayin sa mababang kapulungan ng Kongreso ang House Bill (HB) 7812 na magtatatag ng Anti-Drug Abuse Council (ADAC) sa lahat ng probinsya, siyudad, munisipalidad at barangay sa buong bansa.

Sa botong 200 pabor at walang tumutol, lumusot sa ikatlo at huling pagbasa ang nasabing panukala na inisponsor ni House committee on dangerous drug chairman Robert Ace Barbers.

Magiging daan umano ito para maging institusyon na ang paglaban sa ilegal na droga kahit matapos ang termino ni Duterte na siyang nagpaigting ng giyera laban dito.

Base sa nasabing panukala, ang ADAC ay bubuuin ng local officials at kinatawan mula sa iba’t ibang community organizations na siyang mamamahala at magpaplano, magpapatupad at magbabantay sa mga local anti-drug abuse programa, projects at mga aktibidad.

Magsisilbi rin ang konseho para makakuha ng mahahalalagang impormasyon at magpapasa naman sa mga otoridad kaugnay ng mga grupong nagpapakalat ng ilegal na droga sa kanilang nasasakupan.

Naniniwala si Barbers na sa pamamagitan ng ADAC ay madaling matunton ang sindikato at galamay ng mga ito dahil direktang sangkot ang mga local official sa kampanyang ito.

“Nasa grass root sila. Sigurado malaki ang maitutulong nila kung sino-sino ang mga nagtutulak ng illegal drugs sa kanilang lugar. Kailangan natin silang iinvolved dito,” ani Barbers.

Subalit bukod sa mga ipapasang impormasyon, tungkulin ng ADAC na isalba ang mamamayan na nalulong sa ilegal na droga sa pamamagitan ng pagtulong sa mga ito upang tuluyang makaiwas sa nasabing bisyo. (BERNARD TAGUINOD)

88

Related posts

Leave a Comment