AFP NAKAALERTO SA POSIBLENG RESBAK NG ASG

0

NAKAALERTO ang pwersa ng pamahalaan matapos maaresto ang babaeng Indonesian suicide bomber at ang dalawang iba pang babae na pawang asawa ng mga Abu Sayyaf member sa ikinasang joint law enforcement operations ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police nitong nakalipas na linggo sa Barangay San Raymundo, Jolo, Sulu.

Ayon kay Philippine Army chief Ltgen Cirilito Sobejana, napigilan ng kanyang mga tauhan ang nakaambang bomb attack bunsod ng pagkakadakip ng 11th Infantry “Alakdan” Division (11ID) Philippine Army, kasama ang PNP sa Indonesian suicide bomber na naghahanda na umano sa gagawing terrorist attack.

Sa isang law enforcement operation ay nadakip sina Nana Isirani, kilala rin sa tawag na Renzy “Cici” Fantasya Rullie, isang Indonesian female bomber, Nur Aina Alihasan, alyas Inda Nhur at Fatima Sandra Jimlani Jama.

“The arrest of these individuals, is a manifestation that the Army and its subordinate units are now more capacitated to find, fix, fight, and finish the enemy. We will continue to support our troops on the ground as they go after these threats and keep our communities safe,” ani Lt. Gen. Sobejana.

Kaugnay nito, inalerto ni Sobejana ang kanyang mga tauhan, partikular ang Western Mindanao Command at Task Force Sulu kaugnay sa posibleng retaliatory attack ng mga teroristang grupo bilang ganti sa pagkakaaresto sa mga babaeng suicide bomber.

Si Inda Nurhaina ay asawa umano ni ASG sub-leader Ben Tatoo habang si Fatima Sandra Jimlani ay asawa naman ni Jahid Jam, isa ring ASG member.

Aminado si Joint Task Force Sulu Spokesperson Lt. Col. Ronaldo Mateo, na hindi nila dini-discount ang posibilidad na maglunsad ng paghihiganti ang teroristang grupo.

Pero ayon kay Mateo, dahil sa pinalakas na security measures na ipinatutupad ng AFP at PNP sa probinsiya ay hindi makabubwelo ang mga ito.

“Yes possible ‘yan, pero ongoing ‘yung military operations sa paghahabol dito sa mga sub-leaders na to. I don’t think na makapag-perpetrate sila ng mga atrocities dahil ‘yung mga operators natin ‘yung Joint Task Force Sulu at Philippine National Police tuloy na tinutugis ang grupo ni Mundi Sawadjaan,” ani Lt. Col. Mateo.

Nananatili sa kustodiya ng Sulu Police Provincial Office ang mga banyagang suicide bomber.

Kabilang sa nakumpiska sa mga ito ang gagamitin sanang suicide vest na may nakasabit na pipe bombs at iba pang improvised explosive device (IED) components. (JESSE KABEL)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment