Aksyon ng pamahalaan dapat maramdaman VAWC SAGIPIN -REP. NOGRALES

KAILANGANG tiyakin ng gobyerno ang kanilang presensya sa kababaihan at mga bata na biktima ng karahasan sa panahon ng quarantine at siguraduhin na hindi sila pababayaan.

Ito ang pahayag ni Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles sa gitna ng report na parami nang parami ang kababaihan at mga bata na biktima ng karahasan.

Tinukoy ni Nograles ang report na mula sa 3,699 kaso ng Violence Against Women and Children (VAWC) na naitala noong June 4 ay lumobo ito sa 4,260 noong June 11.

“We understand that our resources are already stretched, but the government has a sacred duty to protect its citizens,” ayon kay Nograles na isang Harvard trained lawyer.

Mula Marso 17, nakatutok ang gobyerno sa pagsugpo sa coronavirus disease 20219 o COVID-19 kaya nawala ang atensyon ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at na-delay ang pagtugon sa kababaihan at mga bata na biktima ng karahasan.

Dahil dito, inayunan ni Nograles ang panawagan ng United National Development Programmes (UNDP) na pagtuunan ng pansin ang problemang ito habang abala ang lahat sa pagsugpo sa COVID-19.

Nais ng UNDP na magsanib puwersa ang gobyerno at mga non-government organization (NGO) para gumawa ng mga patuntunan kung paano i-report agad sa social media ang mga karahasang nararanasan ng kababaihan at mga bata sa panahon ng pandemya.

“Maganda ring tularan ang ginawa ng ibang bansa na makipag-ugnayan sa mga telecommunication companies para magtayo ng toll-free hotlines para sa mga biktima ng VAWC,” ani Nograles. Nakikipag-ugnayan na aniya ang kanyang tanggapan sa iba’t ibang legal aid volunteer groups para tulungan ang mga biktima ng karahasan hindi lamang sa mediation kundi sa litigation ng kaso.

“Napakahirap ng dinaranas ng [mga] VAWC victims natin sa panahon ng pandemya. Dahil na rin sa quarantine, nadaragdagan ang hamon nila na takasan ang banta ng karahasan,” ani Nograles.

“The government has to be the face of compassion in this instance. Ipakita natin na handa tayong tumugon sa mga biktima. We already have enforcers on the street, it’s a matter of recalibrating nang malaman nila ang tamang response sa mga ganitong kaso,” dagdag pa ng mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

Related posts

Leave a Comment