ANTI-TERROR LAW, KUKUWESTYUNIN SA KORTE SUPREMA

INIHAHANDA na ni Senador Kiko Pangilinan ang petisyong ihahain sa Korte Suprema laban sa Anti-Terrorism Law.

Naniniwala ang senador na may mga probisyon sa bagong batas ang kontra sa Konstitusyon kaya’t ipauubaya nila sa mga mahistrado ang pagpapasya sa ligalisasyon nito.

Tinukoy nito ang probisyon sa warrantless arrest at ang pagpi-freeze ng assets ng isang pinaghihinalaang terorista habang hindi pa nito napapatunayan na mali ang alegasyon.

Nangangamba si Pangilinan na sa pamamagitan ng bagong batas ay magpapatuloy ang pagbabato ng iba’t ibang alegasyon laban sa oposisyon tulad ng Red October at pagsasangkot sa kanila sa sedition case.

Nanindigan din ang senador na hindi kamay na bakal ang solusyon sa mga kasalukuyang problema ng bansa tulad ng droga, terorismo at maging ng COVID 19 pandemic.

Binigyang-diin ni Pangilinan na nakita na sa mga nakalipas na taon na hindi nasolusyunan ng ‘Oplan Tokhang’ ang problema sa droga dahil wala naman anyang mga drug lord ang nasakote at hindi rin naparusahan ang mga Customs officials na nagpalusot ng bulto-bultong shabu.

Hanggang ngayon anya ay wala pang nagaganap na rehabilitasyon sa Marawi City matapos isailalim sa Martial Law ang Mindanao.

Hindi rin anya nababawasan ang kaso ng COVID 19 kahit nagpatulad ng ilang buwang lockdown ang gobyerno.

Sinabi ng mambabatas na ilan lamang ito sa mga patunay na hindi solusyon ang kamay na bakal sa mga kinakaharap na problema ng Pilipinas kundi isang komprehensibong plano para sa kinabukasan. (DANG SAMSON-GARCIA)

Related posts

Leave a Comment