Apela sa mga law school sa gitna ng COVID crisis FREE LEGAL AID IPAGPATULOY – REP. NOGRALES

UMAPELA si Rizal 2nd District Rep. Fidel Nograles sa mga law school, lalo na ang may free legal aid program na tulungan ang mga frontliner at maging ang mga pasyente ng coronavirus disease 2019 na nakararanas ng diskriminasyon.

Ginawa ni Nograles ang nasabing apela sa gitna ng mga ulat na maraming COVID-19 mpositive o kahit suspected carriers pa lamang ang nakararanas ng diskriminasyon sa kanilang komunidad.

“Even as our law schools, and schools in general are grappling with the learning challenges brought about by this pandemic, baka naman puwedeng magpatuloy ang mga legal clinic natin to cater to those in need, particularly our frontliners, kasama

na ang mga positive patients o kahit mga suspected o probable persons pa lang,” ayon kay Nograles na isang Harvard trained lawyer.

Malaki aniya ang tulong ng mga law school upang maipagtanggol ang mga frontliner na sa kabila ng pagtataya ng kanilang sariling kaligtasan ay nakararanas pa ng diskriminasyon.

Maliban dito, makatutulong aniya ang free legal aid ng mga law school sa kanilang mga estudyante para maagang matuto ang mga ito sa takbo ng propesyon na kanilang papasukan.

“Kung patuloy na mag-operate ang mga free legal clinic ng mga law school, at least nabibigyan pa rin natin ng training ang mga future lawyer, bukod sa nakakatulong pa sa mga nangangailangan,” paliwanag ni Nograles na nasa likod ng “Legal Aid Program Act of 2019” bill sa Kamara para tulungan ang Public Attorney’s Office (PAO) na magtanggol sa mamamayan na walang kakayahan na kumuha ng abogado.

“The practice of law and the quest for justice doesn’t stop with the quarantine.

Patuloy pa rin ang abuso, at may nangangailangan pa rin ng tulong, kaya sana tumugon ang mga law school natin sa hamong ito,” dagdag pa ng mambabatas.

Noong nakaraang linggo, binuo ng mga alumni ng UP College of Law ang Volunteer Lawyers Against Discrimination (VLAD) mula sa 20 law school sa buong bansa, para tulungan ang mga biktima ng diskriminasyon na may kaugnayan sa COVID-19 pandemic at mga frontliner kasama na ang Overseas Filipino Workers (OFWs).

Una nang sinuportahan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na nangakong idedepensa ng mga ito ang mga frontliner na biktima ng diskriminasyon at karapatang pantao dahil sa pagganap ng mga ito sa kanilang tungkulin laban sa COVID-19. BERNARD TAGUINOD

Related posts

Leave a Comment