BAM TANGGAP ANG PAGKATALO

bam12

(NI NOEL ABUEL)

TINANGGAP na ni Senador Bam Aquino ang pagkatalo nito sa senatorial race sa katatapos lamang na 2019 midterm elections.

Ayon sa senador, kahit umano hindi ito pinalad na makakuha ng pangalawang termino ay hindi umano nauubos ang pagmamahal nito sa bayan at kagustuhang manilbihan sa taumbayan.

“Napakalaking karangalan ang manilbihan sa taumbayan kaya’t lubus-lubos ang pasasalamat ko sa mga nakatrabaho at sumuporta sa akin sa loob ng anim na taon at sa mga walang pagod na nangampanya nitong nakaraang mga buwan,” sabi nito.

Magtatapos ang termino ni Aquino at ng iba pang senador sa Hunyo 30 at papasok naman ang 18th Congress.

Hindi nakapasok sa winning circle si Aquino matapos na maging ika-14 lamang sa senatorial race na may 14,114,923 votes.

“Bago pa man ang araw ng eleksyon, ipinaubaya ko na sa Diyos ang resulta. At buo pa rin ang tiwala ko sa Kanyang plano para sa akin at higit sa lahat, para sa ating bayan,” sabi pa nito.

Samantala, nagpasalamat naman sina incumbent Senators Cynthia Villar at Senador Sonny Angara sa mga Filipino sa tiwalang ipinagkaloob sa mga ito para muling manilbihan sa taumbayan.

“I am honored that the Filipino people have allowed me to serve another term as senator. The victory is as much the result of the long hours and hard work we and our supporters poured into the campaign, as it is an affirmation that the Filipino people want to continue the present momentum for reform towards building a government that actively cares for every member of the Filipino family,” sabi nito.

Kasabay nito, inaalay ni Angara ang panalo nito sa kanyang pumanaw na ama na si dating Senate President Edgardo J. Angara.

“Iniaalay ko ang panalong ito sa aking yumaong ama, ang dating Senate President Edgardo J. Angara. Sa aking pagbalik sa Senado, ipagpapatuloy ko ang kanyang legasiya at muling isusulong namin ang mga repormang patungkol sa edukasyon, kalusugan, social benefits at trabaho ng bawat miyembro ng pamilyang Pilipino,” dagdag pa ng batang Angara.

Muli rin umano nitong isusulong ang pagtaas ng sweldo ng mga guro, ang pagdoble ng social pension na natatanggap ng mga lolo at lola, at ang pagtatag ng National Commission on Senior Citizens.

Sa panig naman ni Villar, sinabi nitong ipagpapatuloy nito ang pagsusulong ng mas maraming trabaho at oportunidad gayundin ang pagpapahusay sa agriculture sector.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment