‘BIG FISH’ SA BIR UNTOUCHABLES?

MISTULANG untouchables ang mga tinaguriang ‘big fish’ o malalaking personalidad na sangkot sa katiwalian sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Ito ay matapos na hindi sila makasama sa 800 pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tinanggal o sinuspinde sa iba’t ibang ahensya dahil sa pagkakasangkot sa korapsyon.

Sa BIR na ibinalandra ni Duterte sa kanyang media briefing nitong Lunes, ay ‘baryang-barya’ ang mga tinanggal niya.

Ito’y dahil walang mataas na opisyal ng BIR o kahit regional director ang posisyon na binanggit ang pangulo.

Ang ginawa ni Duterte ay bahagi ng kanyang pagpupurga sa iba’t ibang kagawaran at ahensiya ng pamahalaan mula sa katiwalian, korapsyon at pandarambong, ngunit walang “big fish”.
Matatandaang inamin ni Duterte na totoong napakatalamak ng korapsyon sa pamahalaan.

Ito ang dahilan kung bakit siya nagbuo ng “mega task force” na magsasagawa ng seryosong imbestigasyon laban sa korapsyon.

Itinalaga ng pangulo ang Department of Justice (DOJ), na pinamumunuan ni Secretary Menardo Guevarra, na magsasagawa ng imbestigasyon.

Isa ang BIR sa limang kagawaran at ahensiya na inuna ni Guevarra na imbestigahan marahil dahil sa impormasyong talamak ang korapsyon sa nasabing ahensiyang nasa ilalim ng Department of Finance (DOF).

Ilang linggo na ang nakalipas, ang dating kawani ng BIR na si Othello Dalanon ay inaresto at ikinulong ng mga pulis ng lungsod ng Pasig dahil sa kasong libelo.

Nag-ugat ang libelo sa pagbubunyag ni Dalanon sa korapsyong nagaganap sa BIR simula sa panahon ni Caesar Dulay.

Si Dalanon ay napabalitang nakatalaga sa opisina ni Dulay, ngunit natanggal siya sa trabaho at kinasuhan pa ng libelo dahil sa ginawang pagbubunyag sa korapsyon sa BIR.

Ang isa sa pinagdudahang transaksyon ng BIR ay ang P3.76 bilyong buwis na utang ng Cosmos Bottling Corporation.

Nagbayad ang Cosmos sa BIR, ngunit P51 milyon lang umano lahat ang binayaran nito.

Ang isa pang naging matunog na ayusan ng utang sa buwis ay ang Del Monte Corporation at Mighty Cigarettes Corporation.

Ang kalakaran sa BIR ay malaki ang “papel” at “desisyon” ng BIR commissioner kapag malalaking kumpanya o korporasyon, ang may problema sa milyun hanggang bilyun-bilyong utang na buwis sa pamahalaan.

Isang araw makaraang ihayag ni Guevarra sa media na kasama ang BIR sa limang kagawaran at ahensiyang uunahing imbestigahan ng DOJ hinggil sa talamak na korapsyon ay naglabas ng press statement si Dulay na nagsasabing “[the probe was] a welcome move as it will assist us with our continuing effort to rid BIR of the remaining ‘bad eggs,’ the officials and employees and examiners who still continue with their corrupt practices.”

Tiniyak din ni Dulay na makikipagtulungan ang BIR upang masukol at makasuhan ang mga korap sa nasabing ahensiya.

Si Dulay ay kilalang ‘kaibigan’ ni Duterte.

Siya ang ipinalit ni Duterte kay Kim Henares sa BIR nang maging pangulo ang datng alkalde ng Lungsod ng Davao.

Ayon sa impormasyon nabunyag sa media, gustong-gusto ni Dalanon na makausap at magsumbong kay Duterte hinggil sa talamak na korapsyon sa BIR, ngunit tinanggal siya ni Dulay, kaya hindi nagawa ni Dalanon ang plano niya. (NELSON S. BADILLA)

89

Related posts

Leave a Comment