BUDGET SA TAAS-SAHOD NG MGA GURO HANDA NA

teachers12

(NI NOEL ABUEL)

MAGANDANG balita para sa mga guro.

Ito ay matapos na ilapit na ang pagkakaloob ng dagdag-sahod ng mga ito na inaasahang makatutulong nang malaki sa lahat ng mga guro sa buong bansa.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, mayroon nang pagkukunan ang P54 milyong pondo na kailangan sa pagtataas ng dalawang salary grades (SG) ng sahod ng mga guro.

“Hindi po ba may na-vetosi Pangulong Rodrigo Duterte na P95 billion na pork barrel funds sa 2019 budget? Bakit hindi natin kunin ‘yong P54 billion doon para pondohan ang salary increase ng teachers natin,?” sa suhestyon ni Gatchalian.

Tinutukoy ng mambabatas ang 2,071 proyekto sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagkakahalaga ng P95.37 bilyon na nai-veto ng Pangulo mula sa 2019 General Appropriations Act (GAA).

“Sa katunayan, kailangan nating magpasa ng supplemental budget ngayong taon para magamit ‘yong P95 billion na ‘yon. Maaari nating gamitin ang halagang ito upang itaas ang kita ng ating mga guro,” sabi pa ng senador.

Sa inihain nitong Senate Bill No. 178, layo nitong itaas ang sahod ng mga public school teachers na may ranggong Teacher I, Teacher II, at Teacher III, mula Salary Grade (SG) 11, 12, at 13 sa Salary Grade 13, 14 at 15.

Base sa pang-apat na bahagi ng Salary Standardization Law, mula P20,754 ay magiging P25,232 ang sahod ng mga Teacher I kada buwan, katumbas ng P4,478 na pagtaas habang ang mga Teacher II naman ay makatatanggap ng P27,755 mula sa dating P22,938, o halagang P4,817 na pagtaas ng kanilang kinikita.

Nasa P5,299 naman ang itataas sa sweldo ng mga Teacher III, kung saan mula P25,232 ay magiging P30,531 na ito.

“Kung itataas natin ang sweldo ng mga Teachers I hanggang III, ibig sabihin nito ay 889,700 personnel o 83% ng ating mga guro ang makikinabang nito,” diin ni Gatchalian.

Ayon pa kay Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, ang pagtataas ng sahod ng Teachers I hanggang III ay daan upang mapaliit ang pagitan ng Teacher III at Master Teacher I.

“Sa taong 2018, ang agwat ng sahod ng Master Teacher I at Teacher III ay nagkakahalagang P13,861, higit apat na beses ang laki kung ikukumpara ito sa P3,224 na agwat noong 2007,” ayon pa dito.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment