Bugbog’ sa netizens dahil may sintomas na, nag-shopping pa KOKO IRESPONSABLE, SINUNGALING

BUGBOG-SARADO sa social media si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III matapos lumitaw na nagawa rin niyang mamili sa isang grocery store sa BGC, Makati City gayung dapatay sumasailalim siya sa home quarantine.

Kasunod ito ng pagbatikos sa senador dahil nagtungo siya sa Makati Medical Center (MMC) para ihatid ang manganganak na misis at pagkaraan ay umamin na positibo sa coronavirus disease 2019.

Para sa netizens, maituturing si Pimentel na iresponsable at sinungaling dahil taliwas sa kanyang mga sinabi ang naglutangang aktibidad niya sa panahon na dapat ay nananatili siya sa bahay dahil sa posibleng pagkakaroon ng COVID-19.

Sa halos lahat ng media platform ay binabatikos at pinaglalaruan si Pimentel na tinawag pang “Dora, the explorer” patungkol sa kanyang paggala sa panahon ng home quarantine.

Lahat ng uri ng meme sa social media ay inabot ni Pimentel dahil imbes na sumunod ito sa protocol na bawal gumala ay naglakwatsa pa umano ito at inilagay sa panganib ang kalusugan ng ibang tao.

Kasunod ng pag-amin ni Pimentel na isa siyang COVID-19 positive, lumabas sa social media ang mga larawan ng ilan niyang aktibidad kabilang ang pagdalo sa isang birthday party bago inanunsyo na nahawa na siya sa virus.

“Ang daming rampa,” komento ng mga netizen sa mga naglabasang larawan kabilang ang pagdalo ng senador sa isang pagtitipon ng mga lider ng PDP-Laban kasama ang mga kongresista sa bahay ni Senador Manny Pacquiao.

Isa namang netizen ang nagmungkahi sa MMC na kasuhan si Pimentel dahil inilagay nito sa panganib ang mga doktor at iba pang empleyado ng nasabing pagamutan.

“We denounce the irresponsible and reckless action of the senator. He added to the burden of a hospital trying to respond in its most competent and aggressive manner to cope with the daunting challenges of this COVID-19 outbreak,” birada ni Dr. Saturnino Javier, direktor ng MMC.

Bukod dito, kinumpirma mismo ng S&R Membership Shopping sa Taguig City na noong Marso 16 ay namili pa roon ang senador.

Eksaktong 1:59 ng hapon siya lumabas sa S&R, ayon sa pamunuan ng establisimyento base sa kuha ng CCTV camera.

“As a result, S & R employees who were contact with the senator were already placed in quarantine. S & R BGC also took extra disinfection steps”, para sa kaligtasan ng mga empleyado at kliyente ng nasabing establisimyento.

Si Pimentel ay nagpa-test noong Marso 20 matapos dumanas ng mga sintomas na kahalintulad sa COVID-19.

Kung babalikan ang mga ginawa at pahayag ni Pimentel bago makumpirmang tinamaan siya ng COVID – 19, lumilitaw na nagsinungaling ang senador.

Ito’y dahil hindi estriktong ipinatupad ni Pimentel ang sariling quarantine sa bahay habang inaantay ang resulta ng kanyang COVID test.

Walang malinaw na parusa sa mga lalabag sa quarantine protocol sa Pilipinas ngayon subalit sa Singapore ay maaaring makulong ng hanggang anim na buwan at pagmultahin ng SG$10,000 ang lalabag sa Infectious Disease Act ng nasabing bansa. BERNARD TAGUINOD, NELSON S. BADILLA

64

Related posts

Leave a Comment