DAGDAG-PRESYO SA LPG HINDI MAKATUWIRAN – SEN. MARCOS

0

(Ni NOEL ABUEL)

Pinaiimbestigahan ni Senador Imee Marcos sa Department of Energy (DOE) ang malalaking kumpanya ng langis kung ano ang naging batayan ng mga ito sa ginawang napakalaking dagdag presyo ng LPG.

Tahasang binatikos ni Marcos ang mga kumpanya na nagbebenta ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) matapos na itaas nito ang kanilang presyo at magbunga ng napakataas na halaga ng LPG sa mga pamilihan o merkado.

Sinabi ng senador na halos aabot sa P55 ang dagdag-presyo ng bawat 11 kilong tangke ng LPG matapos na ideklara ang P5 taas presyo sa bawat kilo nito.

At noong nakalipas na Oktubre 1, nagsimula nang ‘sumirit’ sa mga pamilihan ang presyo ng LPG.

“Sobra naman ang ginawang price increase ng mga kumpanyan ng LPG.  Napakataas! Makakayanan pa ba ‘yan ng isang simpleng pamilya? Ano pa ang matitira sa mga mamimili kung ganyan naman kamahal ang LPG!” galit na pahayag ni Marcos.

“Huwag nilang idahilan ang pagbomba sa mga oil facility sa Saudi Arabia dahil sa malinaw na humupa na ang tensyon sa Middle East.  Maawa naman sila sa mga maliliit na mamimili.  Tumaas na nga ang presyo ng mga bilihin, ngayon LPG naman, ano ba yan!” pahayag ni Marcos.

Idinagdag pa ng senador na delikadong gamitin ang ilang tangke ng LPG na ipinagbibili sa merkado dahil sa bulok at mahinang klase ang mga ito na kalimitan ay pinipinturahan na lamang para magmukhang bago.

“Kung minsan kulang din ang timbang ng LPG na ipinagbibili, dapat kasi 11 kilos, pero pag tinimbang  mo aabot lang sa 9 kilos o 10 kilos,” pagbubunyag ni Marcos.

Sa kasalukuyan, ang presyo ng Solane ay umaabot na sa P700; ang presyo ng Gasul ay P682;  presyo ng Regasco, P669; M-Gas, P690 at Total P690. Inaasahang sa mga susunod na araw, tataas din ang presyo ng ilang brand ng LPG sa mga pamilihan.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment