DENR at DFA pinaaaksyon sa kababuyan sa WPS PINAS GINAGAWANG INIDORO NG CHINA

0

(BERNARD TAGUINOD)

HABANG nangungunyapit umano si Pangulong Rodrigo Duterte sa China, inidoro naman ang tingin ng nasabing bansa sa mga Filipino kaya itinatapon nila ang kanilang dumi sa West Philippine Sea (WPS).

Ganito inilarawan ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat ang pagtatapon ng China ng kanilang dumi sa WPS habang ginugunita ng mga Filipino ang ika-5 anibersaryo ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration ng United Nation na nagsasabing ang mga inokupahang teritoryo ng China sa WPS ay pag-aari ng Pilipinas.

“Napakalaking sampal ito sa ating pambansang soberanya. Habang naninikluhod ang administrasyong Duterte sa Tsina, tinatambak ng Tsina ang kanilang mga tae at dumi sa ating karagatan,” ani Cullamat.

Base sa report ni Liz Derr, founder and CEO ng Simularity, nakikita sa satellite data imagery ang napakalaking bahagi ng WPS na tinambakan ng China ng kanilang mga dumi kaya nanganganib ang marine resources sa nasaging karagatan.

Isinisi naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kay Duterte kung bakit ganito tinatrato ng China ang Pilipinas sa kabila ng pagkapit nito sa nasabing bansa at pagturing na kaibigan.

“Is this Beijing’s disgusting toast to Duterte’s “piece of paper” remark on the Hague ruling, by allowing its vessels to dump human waste on West Philippine Sea? This is perhaps the most visually brazen mockery of our sovereignty,” ani Brosas.

Sa mga nakaraang pahayag ng pangulo, wala itong balak banggain ang China dahil wala umanong laban ang Pilipinas pagdating sa military power bukod sa malaki aniya ang utang na loob niya rito.

Dahil sa inaasal umanong ito ni Duterte, hindi na nagtataka si Brosas kung binababoy ng China ang mga Filipino.

Kapwa nanawagan ang dalawang nabanggit na mambabatas ng agarang imbestigasyon sa nasabing usapin dahil hindi umano katanggap-tanggap na ginagawang inidoro ng China ang Pilipinas.

“Kagyat na imbestigahan ito ng DENR at solusyonan itong nagaganap na pamiminsala ng malalaking barko ng Tsina sa ating teritoryo.

Agaran na gawan ng aksyon ng gobyerno ito. Protektahan natin ang ating soberanya,” ani Cullamat.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment