DFA, POEA KINALAMPAG VS PINOY SA HK

OFWS44

(NI NOEL ABUEL)

KINALAMPAG ni Senador Nancy Binay ang mga opisyales ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Overseas Employment Agency (POEA) na kumilos para sagipin ang lahat ng Filipino na nasa Hong Kong na binabalot pa rin ng tensyon.

Ayon kay Binay, hindi na dapat pang magsawalang bahala ang mga opisyales ng nasabing mga ahensya lalo na at nagpadala na ng karagdagang puwersa ang Chinese People’s Liberation Army sa border nito.

Base umano sa lumabas na balita mula sa news outlets sa China, nagpalabas ng video ang PLA ng mga military vehicles, tangke hindi kalayuan sa Hong Kong’s border.

“Hindi na siguro kailangan pa ng gobyerno natin na maghintay bago pa lumala ang krisis sa Hong Kong. Umaasa akong may plano na ang DFA at POEA sa pagtitiyak ng safety ng mga OFW natin,” sabi ni Binay.

Dapat umanong maghanda ang pamahalaan sa posibleng masalimuot na pagsagip sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na maiipit sa kaguluhan.

“Kailangan meron designated point person for this particular case, at sana may ready hotline, social media channel, or any alternative for OFWs and their families to be able to contact each other should communications be down,” giit nito.

Inihalimbawa pa ni Binay ang nangyari noong 2014 pro-democracy protest kung saan ipinasara ng Hong Kong government ang lahat ng telecommunication networks kung kaya’t naparalisa ang mobile communications.

Payo pa ni Binay sa mga awtoridad na maaaring gamitin ang Macau para sa mass evacuation.

“We’re still not sure if Macau would be affected, pero baka magandang i-explore din ang possibility na gawing exit point ang Macau kung lumala man ang sitwasyon,” saad pa ng senador.

“We have a sizable Filipino community in the city, close to 200,000, kaya humihingi tayo ng ayuda sa mga organized Filipino communities sa Hong Kong maging sa mga NGOs na tumutulong sa mga OFW na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa ating konsulado. No one should be left behind if things take a turn for the worse,” sabi pa nito.

Tiniyak pa ni Binay sa mga OFWs sa Hong Kong na nakahanda ang pamahalaan para tulungan ang mga ito sa paglilikas.

“Kung lumala pa ‘huwag naman sana’ ang krisis sa Hong Kong at kakailanganin ng repatriation, umasa po kayo na tutulungan kayo ng pamahalaan lalo na sa usapin ng trabaho,” ayon pa kay Binay.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment