DITO TELECOM. MASOSOLO NG CHINA

HINDI malayong solohin na ng China ang Dito Telecommunity kapag tuluyang naamyendahan ang Public Service Act na magbibigay ng 100% ownership ng mga dayuhan sa mga negosyo sa bansa.

Ito ang pinangangambahan ni ACT party-list Rep. France Castro kaya kontra ang mga ito sa nasabing panukala na nakatakdang pagtibayin ng Kamara ngayong linggo sa ikatlo at huling pagbasa.

Sa ngayon, ang Dito Telecom na pinapasok ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang third player sa telecom industry ay 40% pag-aari ng China Telecom habang 60% ang pag-aari umano ng Udenna

Corporation at Chelsea Logistics ng negosyanteng si Dennis Uy.

Base sa nasabing panukala, tanging ang water at energy sector ang mananatiling “public service” na hindi puwedeng ibigay ng 100% sa mga dayuhang negosyante.

Kinakabahan si Castro sa nasabing panukala dahil kabilang ang Telecom industry sa bubuksan ng gobyerno sa mga dayuhang negosyante na puwede nilang ariin ng 100 percent.

“Services like telecommunications may be fully owned and controlled by foreign companies,” ani Castro at hindi malayong isa rito ang Dito dahil sa laki ng share ng China owned companies.

Kapag nangyari aniya ito, malaki ang magiging epekto nito sa national security at soberenya ng Pilipinas dahil kayang-kaya na nilang tiktikan nang walang balakid ang mga Filipino. BERNARD TAGUINOD

60

Related posts

Leave a Comment