DOJ, NANINDIGANG ‘GUILTY’ SI DE LIMA

0

NANINDIGAN ang Department of Justice (DOJ) na “guilty” si Senadora Leila de Lima sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Malinaw ito sa matinding pagtutol ng prosekusyon sa paghingi ni De Lima ng “Demurrer to Evidence” at pagbabasura ng kanyang kaso sa Muntinlupa Regional Trial Court Branch 205.

Isinumite ni De Lima, sa pamamagitan ng kanyang mga abogado, ang nasabing mosyon noong Enero 5.

Naniniwala ang senadora na nararapat lamang ibigay ng Muntinlupa RTC ang Demurrer to Evidence at ibasura na ang kasong kriminal laban sa kanya dahil mahina ang ebidensya ng DOJ laban sa kanya.

Sa kanilang sagot sa misyon ng senadora na ipinasa nitong Enero 18, iginiit ng mga abogado ng DOJ na ang kagawaran ay “standing firm that there is no basis in fact and in law to grant the Demurrer to Evidence and strongly opposes the prayer of dismissal” ng kaso ni De Lima.

Binanggit din ng mga abogado na hindi porke hindi si De Lima ang “personal” na nakipagtransaksiyon at nag-deliver ng ilegal na droga ay wala nang katibayan na sangkot siya sa gawaing kriminal noong kalihim siya ng DOJ sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III.

Ilang buwan bago maghalalan noong 2016 ay sunud-sunod ang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa New Bilibid Prison (NBP) laban sa mga kilalang drug lord.

Batay sa impormasyon ng DOJ, mismong mga nakakulong na drug lords ang nagpapatakbo ng drug trafficking sa maraming lugar sa bansa, kabilang ang National Capital Region (NCR).

Si De Lima ay nakakulong sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center habang nililitis ang kanyang kaso. (NELSON S. BADILLA)

Related posts

Leave a Comment