DUDA SA BAKUNA NABAWASAN – SWS

KUNG pagbabatayan ang resulta ng pinakabagong survey na pinangasiwaan ng Social Weather Station (SWS), maliit na bahagi na lang ng populasyon ang may agam-agam sa bakuna kontra COVID-19.

Lahat ng tatlong kategorya – duda, takot at ayaw magpabakuna, bumagsak sa pinakamababang antas mula ng manalasa ang nakamamatay ng karamdaman.

Sa survey na isinagawa noong Disyembre ng nakaraang taon, 8% na lang ng adult respondents ang “ayaw magpabakuna.” Isang porsiyento naman ang nagsabing “malamang hindi na sila magpabakuna.”

Sa datos ng SWS, higit na mababa ang antas ng vaccine hesitancy sa pinakahuling survey ng grupo, kumpara sa kanilang pinangasiwaang pangangalap ng pulso ng masa noong mga buwan ng Setyembre kung saan nakapagtala ng 18% vaccine hesitancy, 21% noong buwan ng Hunyo at 33% naman noong buwan ng Mayo ng nakaraang taon.

Sa pagbabang bilang ng mga Pinoy na ayaw magpabakuna sa lahat ng rehiyon, 6% naman ang nagsabing “hindi pa sigurado,”

Akma naman sa datos ng gobyerno ang tugon ng mga kalahati ng 1,440 respondents na nagsabing bakunado na sila, habang nasa 13% naman ang isang dose pa lang ang naituturok na bakuna.

Nasa 35% porsyento rin ang nais makatanggap ng bakuna, kung saan 33% ang nagbigay katiyakang sila’y magpapaturok para sa angkop na proteksyon kontra COVID-19.

Paniwala ng mga eksperto, ang resulta ng mga pag-aaral kaugnay ng Omicron variant ang nagmulat sa maraming Pilipino lalo pa’y 10 ulit na mas nakakahawa ang naturang variant – ayon mismo sa mga dalubhasa.

“While skepticism is less among the better educated, the percentage of those unwilling to get vaccinated fell from September 2021 to December 2021 in all educational groups.”

Samantala, ikinatuwa ng Malakanyang ang resulta ng nasabing survey.

“Senyales ito ng matagumpay nating pagtutulungan, tayong lahat—kayo na nasa media na nagbibigay ng tamang impormasyon, and then of course government making sure na nandyan yung supplies sa lahat ng regions at ginagawa po natin ang lahat ng hakbang para maging accessible po ang bakuna sa lahat ng areas dito sa ating bansa, and of course, ang taong bayan,” ayon kay

Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles.

Binigyang diin ni Nograles ang kahalagahan ng pagtutulungan at kooperasyon ng lahat sa pagkumbinsi sa mga natitirang unvaccinated population na magpabakuna laban sa COVID-19.

Hinikayat ni Nograles ang publiko na kumbinsihin ang kanilang mga kakilala na hanggang ngayon ay nag-aalinlangan na magpabakuna laban sa COVID-19. (JESSE KABEL/CHRISTIAN DALE)

Related posts

Leave a Comment