DUTERTE NAGPAREHISTRO PARA SA NAT’L ID SYSTEM

0

OPISYAL nang rehistrado si Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa National Identification System.

Sa katunayan ay sinadya pa ng mga taga-Philippine Statistics Authority si Pangulong Duterte sa Malakanyang.

Sa photo release ng Malakanyang, makikita na sumailalim sa biometric information ang pangulo at pagkatapos dumaan sa nasabing proseso ay nag-thumbs up ito.

Kasabay naman ng punong ehekutibo na nagparehistro sina Executive Secretary Salvador Medialdea at Senador Bong Go.

Agosto 2019 nang lagdaan ni Pangulong Duterte upang maging isang ganap na batas ang Philippine Identification System Act.

Tiniyak ng pangulo na mabibigyan ng sapat na proteksyon ang privacy ng mga Pinoy hindi tulad ng National ID Bill na idineklarang unconstitutional ng Supreme Court.

TIWALA KAY DIOKNO

NANANATILING nagtitiwala si Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno na nahaharap ngayon sa reklamong paglabag sa anti-graft and practices act law sa Ombudsman dahil sa di umano’y maanomalyang kontrata para sa produksyon ng national identification cards.

Nanindigan si Presidential spokesperson Harry Roque sa integridad ni Diokno at kumpiyansa na masasagot nito ang mga alegasyon laban sa kanya.

“Kung maalala niyo, si Governor Diokno until fairly recently was in the Cabinet enjoying the full trust and confidence of the president. In fact, he trusted him so much that he promoted him to become Central Bank Governor,” ayon kay Sec. Roque.

Kamakailan ay naghain ng medical leave si Diokno para alisin ang blood clot matapos ang minor accident na kinasangkutan nito.

Pinaratangan ni Ricardo Fulgencio IV, chairman ng Stop Corruption Organization of the Philippines Inc., si Diokno at anim na BSP officials na pinaboran ang OVD Kinegram AD para sa card production ng national IDs. (CHRISTIAN DALE)

Related posts

Leave a Comment