Eleazar sapul sa palpak na PNP-Calabarzon JUETENG, PAIHI ‘PIYESTA’ SA BATANGAS

0

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MANANATILING sira ang imahe at kredibilidad ng Philippine National Police (PNP) sa rehiyon ng Calabarzon dahil ang pamunuan dito, sa pangunguna ni Brigadier General Eliseo DC Cruz, ay palpak sa paglaban at pagsugpo ng jueteng at paihi ng produktong petrolyo.

Si Cruz ay tinanggal ni General Guillermo Lorenzo Eleazar sa pagiging direktor nito sa Southern Police District (SPD) ng national Capital Region Police Office (NCRPO) upang maging regional director ng PNP – Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Pinalitan ni Cruz si Brigadier General Felipe Natividad na sinasabing pamangkin ni Interior Secretary Eduardo Año.

Ayon sa sources, lubos na naniniwala si Eleazar na makatutulong niya si Cruz sa paglilinis ng PNP mula sa talamak na katiwalian at korapsyon.

Kaagapay rin ni Eleazar si Cruz sa pagtatanggal ng sirang kredibilidad at imahe ng PNP.

Ngunit, mahigit dalawang buwan nang regional director si Cruz sa PNP – Region 4 – A, maraming residente ang nasabing nananatiling talamak ang jueteng at paihi ng produktong petrolyo partikular sa Batangas.

Parehong bawal ito dahil tahasang paglabag sa mga umiiral na batas ang jueteng at paihi o petrol pilferage.

Dahil diyan, hindi na naging maganda ang kredibilidad at imahe ng PNP kahit si Eleazar na ang hepe ng pambansang pulisya.

At higit na ikinababanas ng maraming residente sa Batangas ay mayroong sumulpot na alyas “Kap Biskotso”.

Ang Kap Biskotso na ito ay pasok sa jueteng at paihi dahil nangongolekta umano ito ng lingguhang tara.

Kung nangungolekta si Kap Biskotso mula sa ilegal na jueteng at ilegal na paihi, nangangahulugang palpak ang liderato ng PNP-Calabarzon, sa pamumuno ni Cruz.

Ayon sa isiniwalat ng isang ship captain, tila kalakaran na ang oil pilferage sa mga barko sa karagatan ng Batangas dahil hindi kumikilos ang mga awtoridad hanggang ngayong si Brig. Gen. Cruz na ang pinuno sa Calabarzon.

Nabatid ng SAKSI Ngayon na ipinag-utos na umano ni Eleazar kay Cruz na imbestigahan ang isiniwalat ukol sa paihi, ngunit walang nababalitaan ang mga Batangeño na aksiyon ni Cruz.
Kaya, hindi malinaw kung nakarating na kay Cruz ang pagpasok ni alyas Biskotso sa paihi.

Ayon sa kapitan ng barko, ang “Tres Musketeros” na sina Arlon, Buloy at Ronald ang nagpapatakbo sa nakawan ng petrol products mula sa malawak na karagatan ng Batangas hanggang karagatan ng Visayas.

Ang tatlong musketeros na ito umano ang may proteksiyon sa kapulisan na regular na tumatanggap ng ‘lagay’, o bribe money sa sindikato, kabilang dito ang isang mataas na opisyal ng regional maritime police office.

Ginagamit din umano ni Kap Biskotso ang pangalan ni Cruz maging sa pangongolekta sa ilegal na sugal tulad ng jueteng.

Iginiit pa ng source na bukod sa pagiging kolektor ng mga tiwaling PNP official, si Kap Biskotso ay illegal gambling operator din dahil may rebisahan ito ng jueteng sa Brgy. 7, sa Poblacion, Tanauan City.

Kabilang sa kinokotahan umano ni Kap. Biskotso ang jueteng, o bookies operator na sina Banog at Lito sa Malvar; Wally, Jun at Lito sa Sto. Tomas City; Timmy sa Mabini, Bauan at San Pascual; Zaldy at Bedung sa Taysan.

Sa Tanauan City, ang mga suki naman ay sina Anabel ng Pantay na Matanda, Bagsik ng Janopol, Benir, Angel, Ablao at Melchor ng Brgy. Darasa; Tano, Kap. Mario ng Brgy. Pantay na Bata, Jr. Biscocho ng Brgy. 7 at Putuhan, Lito ng Brgy. 7 at Putuhan at Perez ng Poblacion.

Kasama rin sa iniikutan sina jueteng financiers Ocampo ng Brgy. Bagbag, Emil, Ramil, Aldrin, Terio, Angke at Ms. Lilian ng Brgy. Sambat, Lawin at Ms. Dona ng Brgy. Pantay na Bata at Pantay na

Matanda, Rowel, Tano at Berania ng Brgy. Trapiche, Engke, Cancio, Dama at Dexter ng Brgy. Ulango, pawang ng Tanauan City.

Sa Padre Garcia, ang jueteng operator na kinokolektahan ay sina Kap Tisoy at Kap Idol.

Sa Lipa City kung saan may pinakamaraming jueteng, o STL bookies operator ay may lingguhang tara rin si Kap Biskotso sa kinatatakutang “Big 4” na kinabibilangan nina alyas Gary, Ms. Ana, alyas Macoy Recto at Icaro, alyas Lescano na may kontrol naman sa koleksyon ng jueteng sa Brgy. Sabang at may 15 barangay kabilang ang Poblacion sa Lipa City.

Ang iba pang jueteng operator sa Lipa City ay sina alyas Gary, alyas Kap Zara, alyas Kap Randy, alyas Kap Fonti, alyas Kap Gonzales, alyas Kap Lacorte, alyas Kap August, alyas Ruben Sabedra, alyas Lorenz, alyas Neneng Dista, alyas Vilma Tomboy, alyas Liza, alyas Linda, alyas Hadjie at Aiza, alyas Yema at limang iba pa, alyas Kap Fernan, alyas Meynard at alyas Kapitana Wanita.
Bunga nito, marami ang nagtataka kung bakit walang aksyon ang liderato ng R4A police office laban kay Kap Biskotso.

Napag-alaman ng SAKSI Ngayon na sa halip na mapatigil ang nasabing mga ilegalidad ay lalo pang namayagpag kahit mabagsik ang atake ng coronavirus disease – 2019 (COVID – 19) sa Batangas sa panahong si Cruz ang regional director ng PNP – Calabarzon.

Dahil diyan, nakakaladkad at nadadamay ang pangalan ni PNP Chief Eleazar.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment