GOBYERNO NALUNOD SA KORAPSYON – SOLON

0

HINDI na ipinagtaka ng mga milintanteng mambabatas na nalunod sa katiwalian ang gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil bine-baby umano nito ang mga opisyal na isinasangkot sa corruption.

“Etong usapin sa corruption isa ito sa banner na kampanya ni Pangulong Duterte. In fact in six months buburahin niya itong corruption. Pero anong nangyari, nalunod sa corruption ang gobyerno ni Pangulong Duterte,” ani ACT party-list Rep. France Castro.

“Ano ba ang nangyari? Nakita naman natin yung ginawa niyang pambe-baby dun sa mga nai-involved sa corruption katulad nina (Isidro) La Pena, (Nicanor) Faeldon. Unang-una si Aguirre, si (Ricardo) Morales ngayon di ba?,” dagdag pa ng mambabatas.

Sina La Pena at Faeldon ay mga dating commissioner ng Bureau of Customs (BOC) na idinawit sa shabu smuggling habang si Aguirre na dating kalihim ng Department of Justice (DOJ) ay idinadawit sa Pastillas scam at si Morales ay dating pangulo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na batbat din ng katiwalian.

Hindi pa man nagsisimula ang iniutos na massive investigation sa katiwalian sa gobyerno ay agad ding inabsuwelto ni Duterte sina Health Secretary at PhilHealth chairman Francisco Duque III at Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar.

“Kaya nagdududa kami kung totoo ba itong sinasabi niyang (Duterte) ito o divertionary tactic na naman sa mga kapabayaan na ginagawa niya sa gobyerno,” ayon pa sa mambabatas.
Ayon naman kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, duda ito kung may malalaking taong mahuhuli sa imbestigasyon dahil sa pag-aabsuwelto agad ni Duterte sa kanyang mga tauhan sa secretary level.

“Mga maliliit na opisyales lang ang kayang gawing scapegoat. Pero parang lumalambot ang puso sa mga bigtime na magnanakaw,” ang paglalarawan ni Brosas kay Duterte.

“Now we challenge President Duterte na panagutin si Duque at Morales. Patunayan mo na hindi lang yan [imbestigasyon] palabas sa gitna ng sunod-sunod na issue ng corruption sa ilalim ng iyong pamumuno,” dagdag pa ni Brosas. (BERNARD TAGUINOD)

Related posts

Leave a Comment