GOBYERNO NGANGA SA OIL PRICE HIKE

KINASTIGO ng isang lider ng minorya sa Kamara ang gobyerno partikular na ang Department of Energy (DOE) sa tila kawalan ng hakbang sa sunod-sunod na oil price increase na lalong nagpapahirap sa mga Pilipino.

Kasabay nito, muling umapela si House deputy minority leader Carlos Zarate sa liderato ng Kongreso na pagtibayin na ang House Bill (HB) 10386 na naglalayong suspendehin ang excise tax sa mga produktong petrolyo.

“Sunod-sunod na naman ang pagtaas ng presyo ng langis pero naiwan na ang aksyon ng gobyerno laban dito,” ani Zarate.

Reaksyon ito ng mambabatas sa anunsyo ng oil companies na bukas (Martes) ay magpapatupad ng panibagong oil price hike kung saan tataas ng P1.80 ang bawat litro ng diesel, P1.50 hanggang P1.60 sa gasolina at P1.70 naman sa kerosene.

Ito na aniya ang ikaapat na linggong nagpatupad ng oil price hike ang mga kumpanya ng langis mula nang pumasok ang 2022 na malaking epekto sa buhay ng mga magsasaka, mangingisda at sektor ng transportasyon.

Overprice na?

Gayunpaman, mistulang walang magawa aniya ang gobyerno para protektahan ang mga consumer lalo na’t nakadududa aniya ang apat na sunod na linggo ng oil price increase.

“The big time oil price hike again brings to the fore the issue of possible overpricing by oil companies,” ayon sa solon, lalo na’t walang impormasyon na patuloy na tumataas ang presyo ng langis sa world market.

Bukod sa suspensyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo ay dapat aniyang itulak din ng gobyerno ang unbundling scheme kung saan oobligahin ang mga kumpanya ng langis na idetalye ang kanilang gastos sa bawat litro ng kanilang produkto upang malaman kung overprice o hindi ang benta ng mga ito.

“For more than 20 years after the oil deregulation law, the government does not know the actual cost of fuel and is therefore not capable of determining predatory pricing or overpricing. This is the tragic folly of deregulation,” ayon pa sa solon. (BERNARD TAGUINOD)

Related posts

Leave a Comment